Diskriminasyon sa pamilya ni Sen. Sonny Angara

BIGLA akong nanghina sa kumpirmasyon ni Senador Sonny Angara sa naunang sinabi ng kanyang misis na si Toots ukol sa dinanas nilang diskriminasyon nang maging COVID-19 positive siya.

Habang under medication si Angara at naka-quarantine, walang gustong mag-deliver sa kanila ng pagkain. Ang inumin at pagkain nila ay ibinigay na lamang ng mga mabubuting kaibigan.

Hindi na rin sila makapamili ng mga pagkain at mga essentials sa bahay dahil ang kanilang driver at househelp ay naka-quarantine rin.

Ang mas masakit, mismong sila Sonny at Toots ang nagkumpirma na ang ilan sa kanilang kapitbahay ay pinaalis na sila sa kanilang tahanan.

Nag-text ako kay Sen Sonny noong gabing mabasa ko ang sinabi ni Toots. Sabi ko sa kanya, puwede akong magdala ng food at other essentials sa bahay nila dahil nakakapag-grocery naman ako. Hindi sumagot si Sen Sonny sa text ko baka kasi una, wala siyang load, pangalawa, baka sa tagal ng quarantine ay nawalan na ng baterya ang kanyang phone.

Pero sobrang lungkot ko noong gabing iyon hindi dahil walang gustong mag-deliver sa kanila ng pagkain. Doon ako nanghina nang sabihin ni Toots na pinapaalis sila ng kanilang kapitbahay.

Anong klase kayang mga tao ito na kayang gipitin ang kanyang kapitbahay na nangangailangan ng kalinga? Hindi ko na muna ipuntos ang pagiging senador ni Sonny, doon na lang ako sa puntong nasa gitna ng pagsubok ang kanilang pamilya at kailangan ng makakaagapay.

Mas mabuti pa pala talaga ang Samahang Magkakapitbahay sa Payatas at sa maraming karaniwang komunidad na mabait ang mga tao. Isipin nating mabuti, Sonny Angara na yan at senador, nabiktima pa ng diskriminasyon sa mismong kapitbahay niya!

Paano na kaya ang mga karaniwang pasyente? Kunsabagay, may mga health workers nga tayo na pinalayas ng kanilang land lady sa kanyang  dormitoryo at ayaw ipakuha ang mga gamit dahil naging covid positive.

Pero dito kay Angara, kakaiba ito dahil hindi naman ordinaryong pulitiko ito. Anak ito ni yumaong Senate President Ed Angara na autnor ng Senior Citizens Law kaya maraming pinakikinabangan ang ating mga elderly, lalo na iyong kapitbahay ng senador!

Katulad ng matandang Angara, si Sonny ay nagsabatas din ng free college education sa mga state universities at marami pang umiiral na batas na pinakikinabangan nating lahat, kasama na ng kanyang kapitbahay.

Ganoon ba natin itrato ang mga taong may magandang nagawa para sa ating bayan? Hindi naman karaniwang pulitiko si Sonny, wala itong angas sa katawan kung ikukumpara sa iba.

Hindi rin  katulad si Sonny ng mga nakikita nating pulitiko na "throwing their weight around" kahit saan magpunta. Disente ito in and out of the senate kaya hindi ako makapaniwala na magmumula pa sa kanyang kapitbahay ang diskriminasyon.

Pero kahit ganoon, wala pa ring sinasabing masama ang mag-asawa sa ginawa ng kanilang kapitbahay. Inuunawa pa rin nila na takot sa COVID-19 ang nagtulak para gawin sa kanila ito.

Kung ibang ugali rin sila Angara, malamang ito ang doktrinang aabutin ng kanilang kapitbahay: Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay na nasa garapon!

Sa isang banda, sa positibo na lang natin tinitingnan ang pagsubok na umabot sa ating kaibigang si Sonny. Una, nakilala niya kung sino ang kapitbahay na puwede niyang bigyan kapag nagluto siya ng papaitang kambing.

Ang importante ngayon, magaling na siya at mabilis na nakakabangon ang kanilang pamilya mula sa bangungot ng diskriminasyon.

Senator Sonny, baka puwedeng i-nominate nyong maging Presidente at Bise Presidente ng Homeowners Association ang mga kapitbahay nyong walang pakikipagkapwa tao?

Pakisabitan din ng karatula ang kanilang mga bahay na ganito ang nakasulat: Huwag tularan, masama ugali ng mga nakatira rito."

allanpunglo@gmail.com