Diskwento pa sa mga estudyante

LIBRE man ang matrikula sa mga pampublikong paaralan, sadyang maraming mga estudyante ang hirap pa ring makatapos ng pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Hindi nga lang naman kasi matrikula ang pangangailangan ng mga estudyante kundi kailangan din nilang kumain kung papasok sila sa paaralan at may mga bibilhin din silang school supplies na minsan hirap ding tustusan ng kanilang mga magulang.

Kaya naman napapanahon nang isabatas ang panukala ni Senador Sonny Angara na magkakaloob ng diskwento sa mahihirap na estudyante sa iba't ibang serbisyo na makatutulong sa kanilang pag-aaral.

Sa paghahain ng Senate Bill 1635, iginiit ni Angara na bagama't marami nang ipinagkakaloob na suporta ang gobyerno sa mga estudyante tulad ng scholarships at student loans, marami pa rin ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral dahil sa problemang pampinansiyal.

"Another challenge faced by these students is the changing landscape in education and learning brought about by the continuing fight to stem the spread of the novel coronavirus," pahayag ni Angara sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag ni Angara na ang paglipat sa online/distance learning ay nagdudulot ng dagdag na problema sa mga estudyante dahil kinakailangan nila ng mga gadgets at access sa internet para makasali sa online class.

Ngayong panahon ng pandemic, dapat mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga mag-aaral kasama na ang mga naka-enroll sa Technical and Vocational institutes.

Alinsunod sa panukala, bibigyan ng 5% diskwento ang mahihirap na estudyante sa pagbili ng electronic devices na gagamitin sa online/distance learning tulad ng computers at tablets, mga textbooks at iba pang school supplies at sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.

Nakasaad din sa mga panukala ang pagkakaloob ng 5% diskwento sa mga underprivileged student sa mga food establishment, mga gamot at gayundin sa mga museum, theaters at cultural events.

Bilang sukli naman sa mga magbibigay ng diskwento, maaari nila itong ideklara bilang allowabale tax deduction sa kanilang gross income sa komputasyon ng kanilang babayarang income tax.

May kapangyarihan ang Department of Education, Commision on Higher Education at Technical Education and Skills  Development Authority na mag-diskwalipika ng mga estudyante sa diskwento.

Batay din sa panukala, mahaharap sa isang linggo hanggang apat na linggong suspensyon ng business permit at multang P20,000 hanggang P50,000 ang mga business establishment lalabag sa unang pagkakataon.

Sa ikalawang paglabag, sususpindihin ang kanilang business permit ng hindi bababa sa apat na linggo at magbabayad ng multang mula P50,000 hanggang P250,000.

Gayunman, kinakailangang mayroong notice at hearing bago ipatupad ang mga parusa.

Kung maisasabatas ito, tiyak kong mas maraming mahihirap na kabataan at kanilang magulang ang maeengganyong makapagtapos ng pag-aaral para sa mas magandang kinabukasan.

Kung mas maraming edukadong kabataan ang mapo-produce ng bansa, pihadong uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.