‘Doble plaka’

NAGING urong-sulong ang gobyerno sa implementasyon ng bagong batas na Motorcycle Crime Prevention Act o mas kilala bilang Doble Plaka Law.

Ito ay nang magpakita ng pwersa at matinding emosyon ang halos anim na milyon motorcycle riders community laban sa bagong batas.

Nang lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na iniakda ni Senador Richard Gordon, agad na nagkaisa ang mga riders sa pagbatikos sa batas na anila’y pahirap para sa kanila at nagpapakita ng matinding diskriminasyon.

Dito natin hinangaan si Senador JV Ejercito na bilang isa ring rider ay agad na gumitna at nagsagawa ng dayalogo sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mga riders.

Sa dayalogo, naibulalas ng mga rider ang kanilang mga hinaing sa bagong batas lalo na ang mabigat na parusang ipapataw sa mga lalabag dito.

Inilabas din ng mga manufacturer ang posibleng panganib sa kaligtasan ng dobleng plaka sa mga motorsiklo na hanggang ngayon anila ay hindi pa nakadisenyo upang magkaroon ng plate number sa harapang bahagi.

Pero sa naturang dayalogo ring ito na pinamunuan ni Ejercito, naliwanagan ang lahat na hindi naman plaka na as in lata ang balak ilagay sa harapan ng motorsiklo at sa halip ay gagawin itong decal o sticker.

Nangako rin si Ejercito sa dayalogo na babantayan ang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng batas upang matiyak na walang malalabag na karapatan at maabusong rider.

Pero sa update sa batas, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na hindi ipatutupad ang bagong batas.

Palakpak para kay Sen. JV dahil sa kanyang pangunguna sa dayalogo ay naliwanagan ang magkabilang panig sa doble plaka.

Umaasa na lang tayo na magiging maayos ang usapin at ang kaligtasan ng sinuman ang ipaprayoridad