Droga problema ng mundo

HABANG lumalakas ang kampanya ni Mayor Lenlen Oreta para muling pamunuan ang lungsod ng Malabon, tumitindi naman ang mga isyu na ipinupukol sa kanya ng mga kritiko.

Political season ngayon at hindi maiiwasan  ang batuhan ng mga putik. Sa ganitong paraan, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga botante na makapag-isip ng mabuti bago magpasya kung sino ang kanilang iboboto.

Pero paano kung mismong Pangulo ng bansa na mataas ang trust rating ang may puna sa pamunuan ng Malabon? Sa isang political rally kasi ng PDP Laban sa Malabon kamakailan,  binigyan ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘isang alkalde’ na sugpuin ang illegals drugs sa kanyang lungsod.  Ang mabigat,  kundi raw ay ipapaaresto at itatapon niya ito sa Manila Bay.

Hindi naman pinangalanan ni Duterte ang alkalde pero malakas ang kutob ng marami na si Oreta na pinsan ni dating Pangulong Benigno Aquino lll ang pinatatamaan nito. “Mayor, linisin mo Malabon. Bigyan kita isang buwan. Kung hindi, ibigay ko to.. ipahuli kita at ipatapon sa Manila Bay,” ani Duterte.

SamantaIa, inendorso ni Duterte ang mga kalaban ni Oreta. Sinabi din ng Pangulo na handa siyang magpakulong o mabitay kung ito ang magiging kapalit ng kanyang war on drugs basta maubos lamang ang mga drug pusher at druglord.

Pinaalalahanan ng Pangulo ang mga pulis at sundalo na maging neutral sa halalang ito. Binalaan niya ang mga pulitiko sa Malabon na huwag gagamit ng goons upang takutin ang mga botante. “Wag kayo magkamali r’yan na magamit kayo as goons, padadalhan ko talaga kayo ng isang batalyon dito sa Malabon. I will not allow na magamit ang mga pulis at sundalo sa pulitika,” dagdag pa ni Duterte.

Aminado ang Pangulo na wala na siyang magawa para makontrol ang illegal drugs dahil problema na din ito ng buong mundo. “Ang droga hindi ko nga makontrol. pinapatay ko na ang mga ‘yan. Nandiyan pa rin ‘yung droga. Mas lalo tuloy tumindi,” wika pa ni Duterte. “Kaya ang tanong naman ng mga ibang opisyal, ito ba’y tagumpay? It’s a worldwide problem ngayon,  ang droga,  pati China, Taiwan. At marami na ang tinamaan,” dagdag pa nito.

“Ilalabas ko ‘yung dokumento bukas. Iyong paano maglaro ang pulis sa droga, ‘yung mga opisyal at bakit hindi mahinto-hinto. At bakit naman ‘yung mga pulis noon naka-assign sa anti-drugs hanggang ngayon sa anti-drugs pa rin. Kaya pinaglalaruan ang Pilipino,” sabi pa ni Duterte.

Naku, mahirap maparatangan sa drogra. Kung sino man ang tinamaan, kailangan magpaliwanag. Diba Mayor Len?

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com