Ecstasy, nasakote ng BoC-NAIA!

March 15, 2020

KITA ngayon ang masamang dulot ng patuloy na pagpapadala natin ng mga manggagawa sa labas ng bansa.

Hindi lang mga nasyonal, lokal at barangay officials ang kinakabahan sa pag-uwi ng mga kababayan natin na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Pati mismong pamilya ng mga pauwing OFW ay kinakabahan.

Baka nga naman may dalang Coronavirus ang mga pauwing kamag-anak.

Nakakatakot nga naman. Wala na nga silang pera, mahahawa pa sila sa wala pang lunas na sakit.

Pero tama ang gobyerno na dapat huwag tayong mag-panic at sumunod lang sa mga paalaala ng mga otoridad.

Sa mga negosyante, huwag samantalahin ang sitwasyon para kumita ng malaki.

Hindi masama ang kumita pero huwag mag-hoard at walang over-pricing.

Baka magsisi lang kayo kapag nahuli kayo ng mga otoridad.

Hindi niyo naman madadala sa libingan ang kikitain niyo.

At nagpapasalamat din tayo sa gobyerno na gumagawa nang lahat ng paraan upang mapigil ang pagkalat ng pesteng sakit.

Habang isinusulat ang pitak na ito tumaas na sa 111 ang biktima ng COVID-19 sa Pilipinas at umabot na sa 124 bansa sa buong mundo ang may kaso ng nasabing virus.

Patuloy tayong manalangin na matapos na ang krisis na dulot ng COVID-19.

Sundan natin ang mga ipinatutupad na alituntunin ng pamahalaan para maiwasan ang paglala ng problema.

Kung hindi rin lang importante ang pupuntahan, manatili na lang sa loob ng bahay.

Sa ganitong paraan, malaki ang nagiging ambag natin para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.  

***

Maraming namamatay at napapahamak dahil sa maling akala.

Ganyan ang nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA),  ang pangunahing international airport ng Pilipinas.

Akala  siguro ng mga ismagler ay kayang-kaya nilang palusutan ang mga tauhan ni BoC-NAIA District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan.

Ang hindi alam ng mga ismagler na ito ay nakatutok sina Ma’am Mimel sa kampanya laban sa ismagling.

Ito ay sa kabila ng patuloy na pananalasa ng COVID-19.  

Noong nakaraang Huwebes ay nakasakote ang BoC-NAIA ng puslit na party drugs na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.

Galing sa Netherlands, ang party drug na “ecstasy” ay nasakote sa central mail exchange center (CMEC).

Ang mga droga ay nakalagay sa dalawang pakete na idineklarang naglalaman ng kendi.

Nang eksaminin ng mga tauhan ni Collector Talusan, hindi kendi ang nakita kundi mga ecstasy tablet na mahigit na 1,000 piraso.

Dinampot ng mga tauhan ng BoC, PDEA at NAIA inter-agency drug interdiction task group ang claimant ng dalawang pakete.

Ang consignee, si Kim Fuentes, ay dinampot habang kinukuha ang dalawang pakete na naglalaman ng droga.

Siya ay kakasuhan sa paglabag ng Republic Act 9165 at Customs Modernization and Tariff Act.

Bago nito, noong Miyerkules,  ay isang babaeng papaalis ng bansa ang hinuli ng mga taga-BoC dahil sa tangkang pagpuslit ng P400,000.

Sinabi ni Collector Talusan na walang pahintulot mula Bangko Sentral ng Pilipinas para ilabas ng hindi pinangalanang pasahero ang  P400,000.

mga ismagler, huwag niyo nang tangkaing magpalusot sa NAIA.

Mahuhuli lang kayo ng mga tauhan ni Ma’am Mimel.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)