Epektibong programa laban sa COVID-19

April 15, 2020

WALA palang oras na naging kabagot-bagot ang pananatili ng mga kalalakihang may kinakaharap na kaso sa loob ng pasilidad ng Caloocan City Jail (CCJ) sa kabila ng ipinaiiral na total lockdown bunsod ng paglaganap ng nakamamatay na corona virus disease o COVIED-19.

Naging abala kasi ang karamihan sa kanila sa pagkakaroon ng mapagkakakitaan kahit nasa loob ng pasilidad tulad ng pananahi ng face masks at basahan pati na paggawa ng basket at iba pang pagkakakitaan.

Bukod dito, aktibo rin ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa iba’t-ibang uri ng palakasan tulad ng basketball, volleyball, pingpong, chess at kalalasan ay mayroon pang live band na umaaliw sa kanilang pananatili sa pasilidad.

Kabilang din sa ilalim ng programang “Iwas Boryong” na binuo ng kanilang Warden na si Supt. William Manengyao ang E-Dalaw na isang paraan upang makausap nila ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay dahil suspendido ang pagbisita sa mga PDL.

Kung tutuusin, mahirap para sa may kabuuang bilang na 2,110 na PDL na pairalin ang pagbabawal sa physical at social distancing lalu na’t ikatlo ang CCJ sa may pinakamalaking bilang sa buong Metro Manila pero sa kabila nito, wala isa mang naiuulat na tinamaan o may sintomas ng COVID-19.

Sabi ni Supt. Manengyao, mula nang ipatupad nila ang total lockdown, bumuo na sila ng Response Team na nakatalaga lamang sa labas ng pasilidad at sumasala at nagdi-disinfect sa mga dumarating na donasyon na nakalaan sa mga PDL.

May ipinagkaloob ding mga thermal scanner sa kanila ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na kanilang ginagamit, hindi lang sa mga PDL kundi maging sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matiyak na hindi mapapasukan ng taong may virus ang pasilidad.

Sa dami ng bilang ng mga PDL sa CCJ, maaaring hindi sapat ang 12-selda sa dalawang gusali pero nagagawan ng paraan ng pamunuan na maipatupad ang social distancing at pagsusuot palagi ng face mask habang ang mga senior citizen na bantad sa sakit ay nasa isolation area sa rooftop ng gusali na nagsisilbi ring infirmary.

Kumpleto sila sa pagbibigay ng bitamina sa mga matatanda at may mahinang immune system, pati na ang supply ng face masks na tig-3 kada PDL na mula sa sarili nilang gawa at donasyon na galing sa lokal na pamahalaan, BJMP-NCR, Free Masonry at iba pang grupo ng non-government organization.

Sadyang masuwerte pa nga sa panahon ngayon ang mga PDL sa CCJ dahil hindi sila sumasala ng pagkain sa loob ng tatlong araw lalu na’t bumubuhos ngayon ang donasyon tulad ng 25 sako ng bigas, 2,500 na iba’t-ibang uri ng biscuits buhat kay Mayor Oca Malapitan at iba pang kagamitan habang tumanggap din sila ng dalawang computer sets mula kay Cong. Jericho Nograles na ginagamit sa programang E-Dalaw.

Sa mga hakbang ni Supt. Manengyao, masasabing mas ligtas pa ngayon sa COVID-19 ang pasilidad ng CCJ kumpara sa mga mga lugar sa Metro Manila, na nakapagtala ng pinakamaraming bilang na naapektuhan ng nakamamatay na sakit.

Paalam Mareng Armie Rico

Karaniwan ng katanungan ng pamilya ng mga nasasawi kung bakit ang mga mababait, ang mga taong marami ang umaasa, mga taong nagpapaligaya, may mabuting kalooban, mapagbigay at matulungin, hindi lang sa kanyang pamilya, kundi sa ibang tao ang unang kinukuha ng Panginoon?

Nakakalungkot lang, nakakapanghinayang at labis na nakakapag-dalamhati kung ang mga taong may ganitong mga uri ng pag-uugali, tulad ng nangyari sa aming kasama sa hanapbuhay na si Armie Rico ang unang kinuha ni Lord.

Gayunman, hindi natin puwedeng kuwestiyunin ang kagustuhan ng Panginoon para kay Armie dahil posibleng dumating na sa takdang oras ang huling bahagi ng kanyang buhay at naniniwala tayo na marami na siyang nagawa, hindi lang sa pamilya, kaibigan at mga kasama sa hanapbuhay kundi sa lipunan at wala na siyang dapat pang patunayan kaya marahil tinapos na ng nasa Itaas ang kanyang mahabang panahong paglalakbay tungo sa kabutihan.

Masipag, mahusay makisama at magaling na reporter ng Abante at Abante Tonite si Mareng Armie na may dalawang dekada ko ng kasama sa hanapbuhay at ilang ulit ko na ring nakatuwang sa binyagan bukod sa pagiging Ninong sa kasal ng isa niyang anak na babae.

Malaking kawalan, hindi lang sa kanyang pamilya kundi maging sa industriya ng pamamahayag ang maagang pagpanaw ng napakabuting kaibigan at ulirang ina ng tahanan si Mareng Armie na siya ring pangunahing host ng programang “Walang Atrasan”.

Sa pamamagitan ng pitak na ito, nais kong ipaabot sa pamilya ni Mareng Armie ang taos-pusong pakikiramay ng aming buong pamilya sa kanyang maagang pagpanaw. “Paalam Mare, Rest in Peace”