Epekto sa pagbagsak ng stock market

February 06, 2020

MARAMI sa atin ang hindi naiitindihan ang epekto ng paggalaw ng stock market sa  pang-araw-araw nating buhay. Pero alam ba n’yo na kapag bagsak ang lagay ng stock market,  maaaring magbunga ito ng  pagbabago sa maraming aspeto ng ating pamumuhay?

Nitong nakaraang linggo, bumagsak ang stock market sa bansa ng halos umabot sa 11 porsiyento kumpara sa pinakamataas na puntos na naitala  noong isang taon. Ang tinatawag na valuation o halaga ng mga stock ay pinakamababa na nangyari mula pa noong taong 2011.

Sa kasakuluyan, dalawang sitwasyon ang nakakaapekto sa kondisyon ng stock market ng bansa. Una ay ang paglaganap ng corona virus ( 2019 nCoV) na nagdududulot ng takot sa tao at mga investors na patuloy na maglagay ng puhunan sa mga negosyo. Ang pangalawa ay ang pagbaba ng kumpiyansa ng mga malalaking negosyante sa ating ekonomiya dahil sa sunud-sunod na utos ng Pangulo na busisiin ang kanilang operasyon.

Sakaling bumaba at tuluyang bumagsak ang presyo ng stock ng isang kumpanya, maaaring tumaas ang bilihin sa merkado at pwede ring biglang mawala ang mga paborito ninyong pagkain o produkto sa mga tindahan at supermarket.

Ilan sa mga ekonomista ang nagsasabi na malaking epekto ang ginagawang imbestigasyon ngayon sa mga kontrata ng Ayala Land Inc. sa University of the Philippines para magamit ng Ayala ang lote na kinatitirikan  ng UP Town Center, isang popular na shopping mall sa Quezon City.

Ilang araw pagkatapos na mag-utos ang Pangulo na busisiin ang kontrata, nawalan agad ng aabot sa P61 bilyong market capitalization ang Ayala. Dahil dito, maaaring bawiin ng Ayala sa mga may puwesto sa UP Town Center ang nawalang kapital sa pamamagitan ng pagtaas ng renta, at maaari namang ipatong ng mga may pwesto ang dagdag singil sa presyo ng kanilang paninda or serbisyo.

Tayong konsyumer o mga end-user ang siguradong talo agad dito.

Maraming malalaking kumpanya na binabase ang kanilang pagtanggap at pag-sipa ng mga empleyado sa stock market. Bakit nga naman magdadagdag ng empleyado kung bagsak ang negosyo dahil wala nang dagdag na kapital mula sa mga stockholders? Saan kukuha ng pampasweldo ang isang kumpanya kung wala na itong sapat na kapital dahil ayaw nang mamuhunan ng kanilang mga shareholders?

Sa ngayon pa lang, unti-unti nang nagbagsakan ang kanilang ilang stock market sa bansa. Kabilang dito ang kumpanya na pag-aari ng mga Ayala (Manila Water), Lucio Tan (PAL), Lopez (ABS-CBN), Consunji (DMCI Holdings), Roberto Ongpin (PhilWeb), at Pangilinan (Maynilad/PLDT).

Ayon sa mga eksperto sa pulitika, ang stock market ay ginagamit upang pagbasehan hinggil sa mga susunod na mangyayari sa lagay ng pulitika ng isang bansa. Isa ring malaking tulong ang stock market para malaman ang kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng bansa.

Kapag ang stock market ng isang bansa ay maganda ang lagay, iisa lang ang ibig sabihin nito, ang polisiya ng pamahalaan ay gumagana ng maayos. Kapag bagsak ang stock market, ito ay malaking argumento na pwedeng gamitin ng oposisyon para gumawa ng paraan upang palitan ang nakaupong pangulo.

Kung pagbabatayan ang mga binibitiwang salita ng Pangulo, mukhang walang humpay pa rin niyang pupuntiryahin ang mga malalaking kumpanya. Nagustuhan ito ng masa kaya tumaas pa lalo ang kanyang performance approval rating sa 82 porsiyento.

Ang problema lang rito, bumagsak ang stock market at may malaking epekto ito sa kabuhayan ng masang Pilipino.