Ephedrine galing Canada, nasakote ng BoC sa NAIA

March 24, 2019

SA Biyernes, Marso 29, ay magsisimula na ang official campaign period para sa mga local candidate.

Ang ibig sabihin nito ay magiging abala ang lahat sa pangangampanya.

At puwedeng samantalahin ito ng mga ismagler at mapagsamantalang negosyante para “magtrabaho.”

Pero sa mga ismagler at iba pang mandaraya sa Aduana, bad news ang pagsisimula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato.

Kagaya ng mga pulis, inaasahang lalong paiigtingin ng mga taga-Bureau of Customs (BoC) ang kampanya laban sa mga manloloko’t mandaraya sa Aduana.

Lalona’t galing sa militar si BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero.

Alam naman natin na ang mga sundalo, kagaya ng mga pulis, ay walang poli-politika.

Sa kanila, ang tanging alam nila ay magsilbi ng tapat sa bayan at taumbayan.

Isa pa, sa dami ng problema, talagang uunahin ng liderato ng BoC ang pagresolba sa mga ito, lalo na ang paglaban sa ismagling at pagsasaayos sa tax collection system.

Kailangang takpan ang mga butas kung saan tumatagas ang mga perang dapat mapunta sa kaban ng bayan.

Si Sir Jagger ay nasa Aduana para ayusin at pagandahin ang pagpasok ng buwis at taripa sa pamahalaan.

* * *

Lingid sa kaalaman ng publiko, ang mga taga-Bureau of Customs ay nagtatrabaho 24/7.

Ito ay para masawata ang ismagling, ayon kay NAIA District Collector Mimel S.  Manahan-Talusan. 

Si Ma’am Mimel ay anak ni dating BoC Depcom Julie Singson-Manahan na kapatid ni dating Ilocos Sur Gov.  Chavit Singson.

Noong Martes ng gabi, Marso 21, ay nakasakote ang mga tauhan ni Collector Talusan ng labintatlong botelya na naglalaman ng 650 tabletas ng ephedrine.

Ang ephedrine ay isang regulated drug at ginagamit ding sangkap sa paggawa ng shabu.

Sinabi ni Talusan na ang parcel na nanggaling sa Canada ay idineklarang naglalaman ng asthma supplements.

Ang hindi pinangalanang claimant ng parcel ay inaresto at kakasuhan sa paglabag ng Republic Act No. 9165 at RA 10863.

Ang mga tableta ay kinumpiska ng BoC pagkatapos na mapatunayang mga ephedrine.

Ito ay pagkatapos ng ilang tests na isinagawa ng BoC at Philippine Drug Enforcement Agency.

Muli, congrats Ma’am Mimel.

* * *

Nagsimula  na ang tinatawag na “dry season” sa bansa.

Ayon sa Pagasa, lalo pang iinit ang panahon dahil sa nararanasang El Ñino phenomenon.

Ang kawawa dito ay ang mga magsasaka na umaasa lamang sa ulan para lumaki ang kanilang mga pananim.

Pero problema rin ito ng lahat dahil kung kakaunti ang ani ng mga magsasaka  ay tataas ang presyo ng mga produktong agrikultura.

Pahirap ito sa mga mamimili, lalo na sa mga mahihirap.

At kapag walang ulan ay mawawalan ng tubig ang mga dam sa bansa.

Resulta? Magkakaroon ng water shortage sa Metro Manila at iba pang lugar (na kasalukuyan na ngang nararanasan) na umaasa lang sa tubig na galing sa mga dam.

Sana magpatayo ng maraming deep wells sa buong bansa para may pagkunan ng inuming tubig pag panahon ng tag-tuyot.

Dahil malalalim, hindi nawawalan ng tubig ang mga deep well kahit may drought.

Tama ba kami, Pangulong Rody Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)