Etika sa bagong normal sa Edukasyon

June 13, 2020

SINABI ni Jean Jacques Rousseau na isa sa  napakahalagang tungkulin  ng pamahalaan ang pagtuturo ng mataas na uri ng kabaitan at etika sa mga mamamayan nito. 

Ang  di-mapapaknit na pagmamahal at paggalang sa kalikasan,  tradisyon at pamilya, masidhing kalinisan at mga piyesta  (matsuri sa wikang nihonggo) sa pagdiriwang sa mga “kami” o dios sa Shintoism ay mga malalim na kaisipan na nakapaloob sa kurikulum ng edukasyon sa Japan.

Itinuturo  ang  mataas na uri ng kabaitan at etika bilang isang ganap na aralin sa Japan. Mayroon itong  sapat na oras at  may kaakibat na sariling aklat ang mag-aaral mga sa elementarya at high school.  Ang oras ay hindi lang inuubos sa pagkakabisote  ng listahan ng tama at mali,  nilalaan ito sa malayang talakayan ng mga suliranin  sa etika na haharapin ng bata sa tunay na buhay at paano niya iyo lulutasin. Hinuhubog sa diwa ng bawat bata ang tungkulin na isabuhay ang mga malalim na kaisipan ito na ang layunin ay maitaas ang bansang Hapon at ang kanyang mamamayan.

Dahil dito, walang janitor ang mga paaralan ng Japan. Hinati-hati sa mga pangkat ang mga estudyante upang magtulungan  sila sa paglilinis sa iba’t ibang sulok ng paaralan. Nagagamit nila itong ensayo sa isa sa 4C competencies na “collaboration” o team work.

Ang lipunan ang nakikinabang sa   magandang bunga ng pagkakaroon ng mataas na uri ng kabaitan at etika na pinapanday ng  edukasyon sa mga bata sa murang gulang pa lamang.

Bantog ang kalinisan ng Japan ,  sa kalunsuran o sa kanayunan man. Ang mga turista sa Japan,  ay hanga sa katapatan ng mga Hapon sapagkat natatagpuan nila ang kanilang nawaglit na cellphone, camera o bag  kung saan nila ito naiwanan. Ang pangako ng Hapon ay tinutupad. Mahalaga sa kanila ang kanilang salita.

Sa aking pag-aaral ng Nihonggo, may mga salitang ginagamit bilang pagpapakita ng pagpapakumbaba sa kausap na mas mataas ang antas ng buhay sa lipunan tulad ng magulang at guro. Hindi kapit tuko sa puwesto ang mga taong gobyerno na  dawit sa iskandalo, kusang nagbibitiw. Walang may bukang bibig  na ay “I serve at the pleasure of the President.”

Ang dangal ng pagiging isang Hapon ay napakahalaga kaya  wala silang hakbang ng pagbibigay ng “ japanese citizenship “  sa isang atletang alam mong  banyaga sa kulay pa lang ng balat, para lang lumakas ang tiyansa ng pambansang koponan nila  na makapag-uwi ng medalya sa mga pangdaigdigang paligsahan.

Pinansin na ang kawalan, o kung mayroon man, ay mahinang pagtuturo ng mataas na uri ng kabaitan at etika ng EDCOM 1991. 

Ayon sa pagsasaliksik ng Global Peace Foundation Philippines(www.globalpeacephilippines.org) ang character education, good manners and right conduct at values education ay orihinal na aralin ng kurikulum noong 1901 ng tinatag ng mga Amerikano ang pampublikong edukasyon sa Pilipinas. Inalis ito ng Dep Ed bilang “learning area” at isiniksik sa lahat ng natitirang learning areas noon 2002. Pinabalik ito noon 2005 sa utos ng Pangulo , kaya’t nagkaraoon ng Edukasyon sa Pagpapakatao. Sa kabila nito, hindi natin maikakaila ang paglubog ng moralidad, katapatan, disiplina, paggalang, pakikipagkapwa tao, at pagharap sa tungkulin sa ating lipunan.

Nang  wala pa ang COVID-19,  kapansin pansin ang mga pinggan at pinagkainan  sa mesa ng mga kostumer sa mga sikat na hamburger fastfood chain.

Self-service ang pilosopiya ng fastfood sa pagkuha ng inorder at sa pagliligpit ng pinagkainan. Mayroon mga trash bin naman sa lugar at madaling buhatin ang tray ng pinagkainan at isilid sa mga ito ang pinagkainan.

Karamihan ng Pilipino ay hindi sumusunod sa pilosopiyang ito. Ang mga ilog, look at lawa ng Pilipinas ay pusali na rin dahil sa polusyon.  At kung mawaglit lang ng ilang sandali sa iyong paningin ang cellphone, wallet, bag, bracelet, relo, laptop, tablet o ipad,  huwag mo ng asahan na makikita pa ito.

At para lang manalo sa basketball sa ibang bansa ang ating pambansang koponan,  ang Kongreso ay nagbibigay  ng “ Filipino citizenship”  sa  manlalarong banyaga na ang habol ay pera lang at walang pagmamahal sa Pilipinas. Bakit tayo nagkaganito?

Para mabago ang direksyon na tinatahak ng lipunan, ipinasa na sa ikatlong pagbasa ng Malaking Kapulungan ang HB 5829 na inuutos sa Dep Ed na ibalik sa kurikulum ang GMRC( Good Manners at Right Conduct).

Ang Senado ay may sariling SB 1224.  Hindi natin malaman bakit  nababalam ang pagpapasa ng panukalang batas na ito.

Ang kailangan ay maging bahagi ng mas mainam na normal sa Pilipinas ang pagtatanim ng mataas na uri ng kabaitan at etika sa puso at isipan ng Generation Z , ang mga anak ng Millenials, na papasok sa paaralan sa loob ng ilang taon na lang. Dapat paghandaan ito.

Huwag natin iasa sa Sunday school o sa simbahan ito. Kulang ang  pagpapakabisa ng panatang makabayan . Kailangan itong isabuhay ng mga Pilipino.