Fans ni Angel Locsin , masama ang loob sa Mayor!

WALANG duda na miyun-milyon ang fans ng multi-awarded actress na si Angel Locsin.

Hindi lamang sa taglay nitong ganda at galing bilang artista, siya’y hinahanagaan ng ating mga kababayan dahil din sa mabuting kalooban na palaging tumutulong sa oras ng sakuna.

Tulad ngayong may pandemiko ng COVID-19, isa si Angel sa mga artistang lumabas para magbigay tulong.  Bukod sa personal na perang inaabono, nangangalap din ito ng multi-million pisong pondo sa mga kapwa artista at kaibigan, upang magbigay tulong sa mga kababayang nangangailangan.

Isinusulat koi to’y nakalikom na ng P11.3 million na pondo ang pambansang Darna ng Pilipinas kung saan ay ipinambili at pinampagawa niya ito ng 95 isolation tents at 14 na sanitation tent sa 51 hospital sa Metro Manila at kalapit  bayan sa Luzon region.

Kung iisa-isahin natin ang mga hospital na pinadalhan ng tulong ng dyowa ni Neil Arce, malamang ay kulangin ang pahina ng pahayagang ito.

Sa dami ng natulungan ni Darna, may isang nakatawag sa atin ng atensiyon.

Ito iyong sama ng loob ng mga fans nito kay Cabuyao, Laguna Mayor Mel Gecolea.

Sa unang Facebook post ni Mayor Mel noong April 17, 2020; ang sinabi lamang nito ay ang ginawang pagbisita sa Ospital ng Cabuyao. Kasama pa niya rito  si Dr. Bong Fabros, chief of hospital, para suriin ang itinayong isolation facility.

“Tuluy-tuloy ang pagsisikap ng buong Pamahalaang Panglungsod ng Cabuyao upang labanan ang paglaganap ng COVID-19 sa Cabuyao,” sabi pa sa post ng alkalde.

Pinutakti agad  ng komento ng ilang kababayan at mga fans ng aktres ang pahayag ni mayor. Bakit hindi man lang daw binanggit si Angel Locsin para pasalamatan.

At in fairness, biglang kumambiyo agad si Gacolea at nag-post noong April 18 (kinabukasan) ng mensaheng pinasasalamatan na ang aktres.

May larawan pa nga silang inilathala at nakalagay ang mensaheng “Isolation tents for Ospital ng Cabuyao and ONC quarantine facility from Angel Locsin and Neil Arce. Maraming Salamat Po!”

Kapuri-puri ang biglang pagbawi ng alkalde para purihin ang tunay na may kredito sa pagkakaroon ng nasabing pasilidad.

Pero hindi rin natin masisisi ang milyun-milyong fans ng aktres upang magdamdam sa kanya dahil kung hindi siya nasita at nabatikos ay malamang, hindi nito mabibigyang pansin ang pagpapasalamat sa aktres.

Ang tingin ng ilang kritiko ni Gecolea ay isa itong ‘credit grabber’ na itinatanggi naman ng opisyal.

Samantala, puno pa rin ng isyu ang administrasyon ng alkalde.

Ang isa pang isyu laban sa kanila ngayon ay ang nawawalang bultu-bultong Piatos at UFC ketsup na idinonate umano ng Universal Robina Corporation (URC) at Nutri-Asia. Pati nga raw ang kompanya ng Asia Brewery ay nag-donate sa pamahalaang lokal pero hindi nila ito nararamdaman hanggang ngayon.

Nagtataka sila kung bakit sa nakalipas na isang buwan ay hindi ito dumarating sa kanila at sa halip ay isang gulay ng kalabasa, dalawang kilong bigas at isang lata ng sardinas ang kanilang natanggap.

Bukas po ang ‘Uncovered’ sa anumang komento, reaksiyon at puna ni Mayor Mel hinggil sa mga ganitong uri ng reklamo sa kanya.

Habang tumatagal kasi, parami ng parami na ang nagugutom sa Cabuyao at ang nakalulungkot pa, sila-sila mismo ay mga nag-aaway na sa social media dahil sa iba’t ibang isyu na bumabalot sa lungsod.