Fred Lim, tuloy na tuloy ang pagtakbong mayor ng Maynila

Imbes na mabuwisit, pinagtatawanan na lang ni Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Manila mayoral candidate at dating Mayor Alfredo S. Lim ang mga sumbong na may mga nagpapakalat daw ng tsismis na siya ay umatras na bilang kandidatong mayor sa darating na eleksyon sa Mayo.

Walang makitang dahilan si Lim gayundin ang kanyang mga supporters kung bakit siya aatras sa laban. Una sa lahat, maraming nagpapakamatay maging opisyal na kandidato lang ng PDP-Laban at si Lim ay mapalad na mapili ng partidong ito, na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman at ni Senador Koko Pimentel bilang presidente.

Pangalawa, angat sa lahat ng surveys si Lim at take note -- hindi siya ang nagpapa-survey kungdi ibang kampo. Pangatlo, nariyan pa rin ang kanyang mass-based support na di na matitinag kahit kelan, dahil na din marahil sa mga proyektong itinaguyod niya sa loob ng apat na terminong panunungkulan niya bilang alkalde ng lungsod, mula 1992 hanggang 1998 at muli mula 2007 hanggang 2013.

Pang-apat, may ‘K’ as in karapatan si Lim na muling tumakbo dahil bukod sa ito ang hinihingi ng nakararaming Manilenyo, nagsusumigaw na pruweba ang sandamakmak na proyektong ginawa at iniwan niya, partikular na para sa mahihirap na residente ng lungsod.                                                                                    

Sabi nga ni Chairman Jim Adriano ng Distrito 5, hindi ugali ni Lim ang mamudmod ng pera sa mga botante dahil hindi naman ito nagnanakaw sa kaban ng lungsod. Katunayan niyan ay malinis ang kanyang rekord at wala siyang anumang kaso ng katiwalian.

Pero bagama’t hindi style ni Lim ang mamigay ng salapi na hindi naman sa sariling bulsa kukunin at bukas makalawa ay ubos na, sabi ni Adriano ay mas pinili nitong gamitin ang pera ng lungsod sa mga makabuluhang  proyekto na pang-matagalan at hanggang kaapo-apohan ay pakikinabangan ng mga taga-Maynila, lalo na ng mahihirap.

Anu-ano ang mga ito? Sa haba ng listahan na ibinigay ng chief of staff ni Lim na si Ric de Guzman, babanggitin ko na lang ang ilan sa mga pinaka-importante: ang ‘womb-to-tomb’ program na sinimulan niya noong 1992 pa, kung saan nagbibigay ang lungsod ng mga libreng serbisyo mula sa pagbubuntis pa lang hangggang sa kamatayan; pagpapatayo ng limang public hospitals na nagbibigay ng libreng doktor, treatment, hospitalization at mga gamot bilang dagdag sa noon ay nag-iisang Ospital ng Maynila, kung kaya’t ngayon, ang anim na distrito ng Maynila ay meron nang tig-isang libreng ospital; pagpapatayo ng City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) na nagbibigay ng libreng college education para sa mga ordinary o ‘average’ students at bilang dagdag sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na para naman sa honor students na graduate mula sa public high schools.                                                                                      

Umabot sa 485 libreng day care centers;  97 bagong buildings para sa public elementary at high school;  59 barangay health centers na nagbibigay ng libreng gamot at doktor para sa mga di malubhang sakit; 12 lying-in clinics na libre ang panganganak; 132 bagong gawang kalsada at mga libreng palaruan at sports complexes at centralized disaster evacuation centers sa Tondo at Baseco.                      

Ito ang mga uri ng proyekto na pang-matagalan na, pang-kagipitan pa.  Dahil laki sa hirap, alam ni Lim kung gaano kahirap ang magkasakit nang walang pera at kung paano kadugo igapang ang pag-aaral. Naniniwala din siya na ang pagkakaroon ng tamang edukasyon ang susi upang umangat ang isang tao pati na din ang kanyang pamilya. Kaya  mga proyektong pang-kalusugan at edukasyon ang kanyang naging prayoridad.

Sa dami ng mga nagawa ni Lim, aba’y wala nga talagang dahilan para siya umatras sa laban. Sa isang banda, positibo ang epekto ng pagpapakalat ng tsismis na ito sa mga supporters ni Lim dahil ibig sabihin, maganda ang takbo ng kandidatura  niya dahil  hindi naman siya pagtitiyagaan na siraan at palabasing umatras na sa laban kung wala siyang panalo. Ibig din sabihin, kabado sa kanya ang mga kalaban kaya ganyan na sila ka-desperado.                                                         

Malinaw ang opisyal na deklarasyon ni Lim --  ‘tatakbo akong mayor ng Maynila at intesyon kong manalo. Hindi ako umaatras o aatras. Wish lang ‘yun ng mga kalaban ko!’                                                                                                      

Sa bandang akin, puwede kong ipusta ang bago kong rubber shoes na hinding-hindi aatras si Lim sa pagtakbo bilang alkalde ng Maynila. Ang naniniwala sa sabi-sabi, tanga! Este, walang sariling bait.

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.