Frontliners din ang mga taga- BI!

GUSTO kong bigyan ng daan ang reklamo ng ilang miyembro ng Bureau of immigration (BI) na naka-duty sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kulang na kulang kasi ang mga ibinibigay sa kanilang personal protective equipment (PPE). Katunayan, pati hand sanitizer ay tsinatsaga na nilang magtimpla ng gawa sa tubig at zonrox.

Pakiramdam tuloy ay mukhang napapabayaan sila sa ganitong uri ng ‘kalamidad,’ gayung tulad ng ilang health workers, law enforcement agencies, mga essential government agencies at volunteers ay frontlners din sila.

Bagaman hindi isinama sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang BI – maliban sa Department of Justice -- ay patuloy sila sa pagganap ng tungkulin, kahit na nasa panganib din ang kanilang kalusugan.

Nililinaw ng ilang taga-BI sa Airport na hindi sila nagrereklamo sa trabaho, ngunit sana naman aniya ay pagtuunang-pansin at seryosohin din ang pagbibigay ng sapat na supply sa kanila patungkol sa PPE.

Speaking of NAIA, marami ring taga-BI ang nagtatanong kung isinasailalim pa ba sa 14-day quarantine period ang mga Pinoy na dumating sa bansa.

Lalo na iyong 370 Pinoy na pasahero ng tatlong magkakaibang cruise ships mula sa bansang Italy.

Hindi na kasi sila ipinadaan pa sa ‘immigration arrival area’  at sinasalubong para i-tsek na lamang ang kanilang passport sa isang transit area, malapit sa tarmac.

Ang catch, hindi na rin sila isinasailalim sa thermal scanning na tamang ‘procedure’ base naman sa tungkulin ng Bureau of Quarantine na halos nababalewala na rin ngayon sa NAIA.

Bahagi sa bilang na 370 Pinoy ang 248 pasahero mula sa MV Costa Luminasa na nag-docked sa Milan at 122 Filipinos naman ang sakay ng MV Grandiosa at MV Opera na dumaong naman sa Rome.

Ang Rome at Milan ang ilan sa may pinakamataas na bilang ng mga namamatay na COVID-19 patients sa buong mundo, bagaman nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nauna nang sumailaim sa quarantine ang mga dumating na pasahero.

Noong isang araw ay 300 Pinoy seamen naman ang dumating sakay ng Ethiopian Airline at tulad ng ‘accommodation’ na ginawa sa 370 Pinoy passenger ng mga cruise ships, hindi na rin sila idinaan pa sa thermal scanner.

Hindi lang sigurado ang mga taga-BI kung pagsundo sa kanila ng DFA ay ihahatid na agad sila sa kani-kanilang bahay o isinailaim uli sa 14-day quarantine period. Ang CAAP ang nagbibigay transportasyon sa kanila pagsundo sa NAIA Terminal 1.

Mahalagang ma-check ng DOH o ng inter-Agency Task Force mismo kung napa-quarantine ba sila o hindi dahil baka lalo lang lumala ang kaso ng COVID 19 sa Pilipinas kung may nangyaring kapabayaan tungkol dito.