Fuel marking, malaking tulong sa BoC

August 16, 2020

MALAKI talaga ang naitutulong ng "fuel marking program" para masiguro ang tamang buwis na kokolektahin mula sa oil products.

Ang programa na nagsimula noong Setyembre 2019 ay naglalayong matigil ang "illicit trade" ng mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng nasabing programa ay nilalagyan ng "chemical markers" ang mga oil product.

Ang mga produktong walang marker, adulterated o diluted na oil products ay kinukumpiska ng gobyerno.

Mula Setyembre 2019 hanggang Agosto 6, 2020 ay nakakolekta na ang gobyerno ng P97.1 bilyong buwis mula sa mga namarkahang produkto.

Ang buwis ay galing sa 10.9 bilyong litro ng produktong petrolyo na naturukan ng  chemical marker.

Dalawampung oil companies ang regular na minamarkahan ng gobyerno.

Ang bulto ng mga minamarkahan ay pag-aari ng tatlong higanteng oil firms.

Ang tatlong kumpanya ay ang Petron (2.5 bilyon liters), Shell (2.3 bilyon) at Unioil (1.1 bilyon).

Ang programa ay nagpatuloy kahit noong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.

Ayon sa BoC, ang "strong performance" ng programa ay isang patunay na determinado ang ahensya na protektahan ang mga border.

Ayon sa BoC-Enforcement Group, ang Luzon ang may pinakamaraming volume ng namarkahang produkto, na mahigit kumulang 8 bilyon litro.

Sumunod ang Mindanao na may 2.19 bilyong litro. Pumangatlo ang Visayas,  539 milyon.

"The BoC and the Bureau of Internal Revenue continue to implement the program to ensure that the market's fuel products have the corresponding duties and taxes due to the government during the current pandemic," ayon  pa sa BoC.

Kailangan talagang ipatupad ng maige ang fuel marking program dahil kulang na kulang ng pera ang gobyerno dahil sa pandemic.

***

Nakatakdang simulan bukas ang "29th virtual ASEAN meeting of directors-general of customs."

Ang dalawang araw na pulong ay co-chaired nina Kyaw Htin, Director-General ng Myanmar Customs Department, at Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ang meeting via video conference ay lalahukan ng mga miyembro ng ASEAN at mga dialogue partner nila na kagaya ng China, Japan, Australia, Korea at World Customs Organization.

Tampok din sa pulong ang pagsasalin ng chairmanship ng ASEAN Directors-General of Customs mula LAO PDR to Myanmar.

Ang nasabing pulong ay ginagawa taon-taon para pag-usapan ang economic growth, social programs at cultural development sa rehiyon.

Ang BoC, sa tulong ng ASEAN, ay nagpapatuloy sa kanilang adhikain na maipantay ang customs administration sa global standards.

Sa tingin ng marami ay magtatagumpay ang BoC sa layuning ito.

***

Hindi na sa Agosto 24 kundi Oktubre 5 ang pagbubukas ng school year 2020-2021.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa ng pagbubukas ng klase sa public schools dahil sa panawagan ng maraming sektor.

Sa tingin ng marami ay hindi pa handa ang Department of Education para sa maayos na pagsisimula ng mga klase.

May mga ulat nga na may mga eskuwelahan, lalo na sa mga probinsiya, ang nananawagan sa mga magulang na magbigay ng donasyon para pambili ng mga gamit ng mga bata sa paaralan.

Kabilang na dito ang perang pambili ng coupon bond.

Maraming magulang naman, lalo na ang mga nakakaangat sa buhay, ang boluntaryong nagbibigay ng donasyon.

Kailangan talagang may "bayanihan spirit" ang lahat sa harap ng nararanasan nating krisis.

Pero huwag namang pilitin ang mga walang-wala. baka makaisip pa ng masama ang ibang naghihikaos.

Tama ba kami, Mayor Digong?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0821-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)