‘Fuel Marking,’ tutuldukan ang oil smuggling

February 02, 2020

SIMULA sa Pebrero 9, lahat  ng produktong petrolyo na walang “fuel marking” pagdating sa bansa ay kukumpiskahin ng Bureau of Customs (BoC).

Ang “fuel marking program” ng gobyerno ay naglalayong tuluyan ng matigil ang oil smuggling sa bansa.

Sa totoo lang, malaki ang nawawalang pera ni Juan dela Cruz dahil sa ismagling ng mga produktong petrolyo.

Taun-taon ay tinatayang umaabot hanggang P43.8 bilyon ang foregone revenues ng gobyerno dahil sa oil smuggling.

Pagkatapos ng February 9 deadline, magsasagawa ang BoC ng tests para malaman ang mga produktong hindi namarkahan.

Lahat ng mga produktong petrolyo na walang marka ay kukumpiskahin ng BoC.

Hindi lang yan. Kakasuhan din ang mga may-ari ng mga produktong ito.

“We have already warned them that if they don’t comply by February 9, then whatever stocks that are not yet unmarked, we will confiscate. And we will consider them as fuel whose duties and taxes are not paid,” ayon kay BoC Assistant Commissioner Vincent Maronilla.

Sinabi pa ni Maronilla na hindi na palalawigin ang deadline dahil “we have given sufficient time for everyone to comply.”

Maraming nagsasabi na dapat i-monitor na maige ang gagawing pagsusuri sa mga produktong petrolyo.

Hangga’t may mga tiwaling lingkod bayan at bugok na negosyante, baka magkaroon pa rin ng sabwatan.

Sa technical smuggling nga ay may mga taga-BoC na nabubulag dahil sa kinang ng pera ng mga smuggler/player.

Wala yatang kabusugan ang ilang taga-aduana at kailangan pa nilang makipagsabwatan sa mga nagpaparating ng kontrabando.

Kayang-kaya nina BoC Chief  Rey Leonardo Guerrero at Depcom for Intelligence Raniel Ramiro na hulihin ang mga mandurugas sa aduana.

No match sa kanila ang mga mandurugas sa pantalan.

***

Inaasahang  titindi pa ang ismagling ng sigarilyo dahil  sa pagtaas ng cigarette tax rates.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11346, ang cigarette excise ay tumaas ng P45 bawat pakete mula pa noong Enero 1, 2020.

Ayon sa isinasaad ng RA No. 11346 o tobacco tax law of 2019, ang buwis ng isang kaha ng sigarilyo ay tataas sa 2021 (P50), 2022 (P55) at 2023 (P60).

At mula 2024 pataas,  magkakaron ng 5 percent indexation, ayon pa rin sa tobacco tax law of 2019.  

Noon ngang  nakaraang Enero 27 ay nakasakote ang Bureau of Customs ng puslit na pekeng  sigarilyo sa Caloocan City.

Ang mga kontrabando, na nagkakahalaga ng P58.5 milyon, ay lulan ng siyam na truck

Ang mga pekeng sigarilyo ay kinumpiska ng mga tauhan ng BoC, Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa bisa ng letter of authority at mission order na pirmado ni Commissioner Guerrero.

Iniimbestigahan pa ng BoC kung sinu-sino ang nasa likod ng mga nakumpiskang pekeng sigarilyo.

Dahil nga sa pagtaas ng buwis ng sigarilyo, inaasahang marami pang magpaparating ng mga imported na sigarilyo.

Pero nakahanda naman ang mga tauhan ni Guerrero.

Kaya napakahalagang mahuli at makasuhan sa korte ang mga ismagler.

Kung hindi ay baka lalo pang lumala ang problema sa mga darating na araw.

***

Iba talaga ang problemang dulot ng pagsulpot ng nakakamatay na sakit.

Hindi na kailangang pilitin pa ng gobyerno na magsuot ng facial mask ang taumbayan.

Sa totoo lang, may shortage na ng face masks sa bansa dahil sa hoarding at panic buying.

Nakakatakot nga naman itong 2019 Novel Corona Virus.

Maliban sa nakakamatay, wala pang gamot.

Ang tingin nga natin, mas takot ang taumbayan sa Ncov kaysa pagputok ng Taal volcano.

Kita naman natin na kahit delikado, gusto pa rin bumalik ng ating mga kababayan sa “taal volcano danger zone.

Sa kaso ng nCoV, kahit fake news nanginginig na sa takot ang taumbayan.

Mukha ngang mas takot ang mga tao sa ‘di nakikitang virus kaysa sa rumaragasang kumukulong lava.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09214765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)