Global warming, lumalala

June 26, 2019

MAY mga bagong customs police na pala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Tama at napapanahon ang ginawang pag-deploy sa balwarte ni BoC-NAIA  district collector Mimel Manahan-Talusan ng dagdag na customs police sa mga terminal ng paliparan.

Kailangang pangalagaan ng customs police ang kapakanan ng dumaraming BoC-NAIA stakeholders.

Nandiyan rin ang paulit-ulit na tangkang pagpupuslit ng kontrabando, lalo na ng mga ipinagbabawal na gamot, kabilang na ang shabu at cocaine.

Ang mga bagong pulis ay mga miyembro ng  BoC-Enforcement and Security Services o ESS, sa ilalim ni Director Felimon “Yogi” Ruiz.

Sa isang briefing, inisa-isa ni Collector Talusan, anak ni dating BoC Depcom Julie Singson-Manahan, ang tungkulin at responsibilidad ng isang ESS agent.

Ibinahagi rin ni Ma’am Mimel sa mga pulis ang 10-point priority program ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Sasalang sa  markmanship training ang mga bagong pulis.

Malaki ang maitutulong ng mga taga-ESS para gumanda ang BoC service sa pangunahing international airport sa bansa.

***

Mukhang extended ang summer season sa bansa.

Dati hanggang Mayo lang ang dry season.

Ang tanda nga natin, pangalawang linggo pa lang ng Mayo  noon ay nagtatanim na ng palay ang mga magsasaka.

Hindi na kasi masyadong mainit dahil paulan-ulan na noon.

Ngayon, Hulyo na sa Lunes, pero sobra pa rin ang init ng panahon.
Kung hindi tayo nagkakamali ay naramdaman natin ang pinakamaiinit na panahon halos buong buwan ng Mayo.

Bunga daw ito ng palalang problema ng tinatawag na global warming.

Nangyayari ang global warming dahil sa addiction ng tao sa fossil fuels at pagkalbo sa ating mga kabundukan.

Pinuputol din natin ang mga punong kahoy sa ngalan ng “progress and development.”

Ang resulta? Puro semento, yero at gusali na ang nakikita natin sa ating paligid.

Pati mga ibon, tutubi at paru-paro ay wala na sa mga progresibong syudad at bayan.

Nakakalungkot!

***

Kahit anong batikos, hindi na yata talaga mawawala ang mga political dynasty.

In fairness naman sa ibang political dynasties, talagang mahal sila ng taumbayan, lalo na ng mga botante.

Galit lang ang tao sa mga pamilyang gumagamit ng  dahas at pera para manalo sa eleksyon.

Kaya pabayaan na lang natin na ang mga botante ang humusga kung sino ang mga nais nilang mamumuno sa kanila.

Inuulit natin. Pabayaan nating manungkulan ang mga matitinong miyembro ng  isang political dynasty.

Pero ang mga walang silbing anak, kapatid, apo at iba pang kamag-anak ng mga dynasty ay hindi na dapat bigyan ng pagkakataong manilbihan dahil pulos kawalanghiyaan lang ang gagawin ng mga ‘yan.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagayblang ang buong pangalan at tirahan.)