GMRC: Hindi lipunan ang mag-aaruga sa anak mo

NGAYON lang umabot sa punto na kailangan pang magkaroon ng batas sa Good Manners and Right Conduct.

Nakalusot na sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang maging mandatory subject sa Grade 3 ang GMRC at  values education sa K-12.

Ang totoo, matagal ko nang isinisigaw ito dahil kaming mga batang 70s ay may regular na GMRC subject sa elementarya. Hindi ko alam kung sinong henyo ang nag-alis nito kaya maraming bata ngayon ang magagaling na lang sa gadget pero basyo ang utak sa pagpapakatao.

Kasama ng GMRC, isinusulong ko rin na maging mandatory ang Boy Scout at Girl Scout sa elemetarya dahil dito matuturuan ang mga bata ng magagandang asal, abilidad, social relations at leadership.

Palagi ko itong sinasabi sa mga nakaraang mga kolum ko noon pang panahon ng martilyong bato na ako ay proud member ng Boy Scout of the Philipines. Naging Assistant Scout Master ako sa high school kaya exempted ako sa CAT at YDT o Youth Development Training.

Hindi iyong exemption ko sa CAT at YDT ang ipinupunto ko, ang gusto nating bigyang-diin, malalim ang balon na pinaghugutan ng aking mga kaalaman sa maraming bagay. Iyong GMRC, puwede nating sabihin na naging pandayan lamang kung ano ang ugali mo sa tahanan.

Ang naging problema natin ngayon sa malubhang sitwasyon sa mga kabataan sa lipunan ay nawala na nga ang GMRC, nawalan pa ng interest ang mga magulang na turuan ng mabuting asal ang kanilang mga anak.

Dito pumapasok ang talamak na problema natin sa teenage pregnancy, drug addiction at paglaganap ng Juvenile delinquents.

Ang totoong paghuhulma ng asal ng bata ay nagsisimula talaga sa bahay. Sa mga sensitibong estado ng kamusmusan, doon mo dapat naihuhugis ang pagkatao ng iyong anak. Ang GMRC, sasapo naman ‘yan sa paaralan para hindi napuputol ang mga kaalaman sa tamang asal.

Parang lamesa na may apat na paa ang pagpapalaki sa isang bata. Ang pamilya, ang paaralan, ang simbahan at ang lipunan. Ang pinakaimportante sa apat na paa na yan ay ang pamilya dahil doon ang center of gravity ng kanyang pagkatao.

Kaya nga sa formative stage ng pag-aaral ng bata, doon siya dapat matutukan dahil halos 100% mo pa siyang mababantayan at magagabayan. Kapag nagsimula na yang magkaisip ng sarili niya sa elementarya, dyan na magsisimulang pumasok ang papel ng paaralan, ng simbahan at ng lipunan.

Isipin nyong mabuti, kung maigsi ang isa o dalawang paa ng lamesa, hindi ba’t mauga? Kaya nga dapat maging matibay ang paraan ng pagpapalaki sa bata sa loob ng tahanan dahil iyon ang kanyang unang paaralan, iyon ang una niyang simbahan at iyon din ang una niyang lipunan.

May dalawa na akong anak na parehong lalaki, isang 29 at 19. Pareho namang mabuting tao at nasa maayos naman ang estado ng kaisipan. Parehong hindi nagyoyosi, parehong hindi umiinom ng alak at parehong hindi mabarkada. Kaming mag-asawa,  nakatutok talaga sa kanila kahit ano pang busy namin sa trabaho o mga obligasyon sa bahay kaya lumaki namang maayos.

Naniniwala kasi ako na kapag nagawa mong mabuting tao ang dalawa mong anak, nabawasan mo ng dalawang mabigat na  problema ang bansa mo at ang mundo.

Malaking tulong ang pagbabalik ng GMRC pero palagi nating tatandaan na, isa lamang itong sangkap sa pagtutuwid ng karakter ng ating mga anak. Tayo pa rin bilang mga magulang ang may malaking bahagi rito.

Huwag nating ipaaruga sa lipunan ang mga bata kung gusto nating magkaroon ng bagong henerasyon ng mga mabubuting tao.

allanpunglo@gmail.com