‘Good luck,’ Sec. Sid Lapeña

January 24, 2019

BAGO ang lahat, ‘congratulations’ (ulit) kay BoC commissioner, Jagger Guerrero, dahil sa “matagumpay” na paglulunsad kahapon ng ‘Kapihan sa Aduana’ kung saan marami sa ating mga kasamahan sa media ang nakadalo.

Sa totoo lang, ang pagkakaroon ng ‘regular sit-down’ ni Comm. Jagger sa media ay isa sa mga bagay na napag-usapan naming dalawa nang “magbigay-pugay” tayo sa kanya noong nakaraang buwan.

‘And true to his word,’ wika nga, matagumpay itong nasimulan kahapon.

‘Yun nga lang, hindi tayo kasama, dear readers, dahil napasabay naman ito sa ‘annual planning’ ng National Press Club (NPC) na patuloy pa rin naming ginaganap ngayon sa ‘Caliraya Lake’ na sakop ng “matulaing bayan” ng Cavinti, Laguna, hehehe, ayy, huhuhu!    Sa akin pang pagkakaalam, ang ‘3-day planning’ na ito ng NPC ay ‘first time’ din na nangyari at asahan ng ating mga miyembro na magreresulta pa ito sa mas magaganda pang mga programa para sa inyo.

Kumbaga, ‘in the words of Manong Juan Ponce Enrile, gusto namin, “happy kayo,” Ayos!

* * *

Sinusulat natin ito, wala pang reaksyon sa atin si ex-BoC commissioner at ngayon ay TESDA secretary, Sid Lapeña, hinggil sa ginawang “pagdawit” sa kanya ng NBI sa isinampa nitong mga kaso sa mga ‘suspects’ sa ikalawang insidente ng matagumpay na ‘drug smuggling’ sa Aduana.

Kung matatandaan noong Hulyo 2018, muling “nakalusot” sa BoC-MICP ang mga iligal na droga na “nakapalaman” sa loob ng apat na ‘magnetic lifters.’

Umabot naman ng higit dalawang linggo bago natunton ng mga awtoridad ang mga ito sa isang abandonadong ‘warehouse’ sa GMA, Cavite, matapos masabat ang isa pang katulad na kargamento na may lamang mga shabu sa MICP sa unang linggo ng Agosto, 2018.

Pinalitan noon ni PDEA Director General Sid Lapeña si noon ay BoC commissioner, Nicanor ‘Mang Kanor’ Faeldon noong Agosto 2017 matapos “malusutan” ang BoC-MICP ng mga iligal na droga na “nakapalaman” naman sa mga ‘metal cylinders’ buwan ng Mayo 2017.

Matapos naman ang ikalawang insidente, ‘no choice’ si Pang. Digong kundi alisin na rin sa Aduana si Comm. Sid at noon ngang Oktubre 2018, pinalitan naman siya ni ex-AFP chief, Jagger Guerrero.

Kung “pinepersonal” naman si Comm. Sid ng NBI, ito ang gustong malaman ng ilang miron, hehehe!

Dangan kasi, ito na ang ikalawang pagkakataon kung saan ‘from hero to suspect’ ang “kinasadlakan” ni Sec. Sid sa “kamay” ng NBI sa isyu ng ‘dereliction of duty,’ ahahay!

Sa unang reklamo ng NBI laban kay Comm. Sid, may kinalaman ito sa eskandalosong ‘105 missing containers’ sa Port of Manila noong Marso 2018 kung saan marami rin sa mga nasangkot ang nasampahan ng kaso.

‘In fairness,’ dear readers, tayo ang “saksi” sa mabilisang aksyon ni Comm. Sid sa eskandalong ito na nagresulta sa pagkatunton ng mga kargamento sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Kung bakit sa dakong huli, kasama siya sa kinasuhan ng NBI eh, bakit nga ba, hahaha!

At ngayon nga, sa mas mabigat na insidenteng ito ng drug smuggling, bakit “kasama” na naman siya sa mga naging “akusado” eh, bakit nga ba ulit, hehehe!

Ang “tamang hinala” naman ng ilang miron, harinawang hindi “benggansa” kay Comm. Sid ang pagdadawit sa kanya sa mga kaso dahil sa kanyang termino, hindi umano “nakaporma” itong ‘NBI Brokerage,’ ahahay!

Oh yes, Comm. Jagger and DCI Raniel Ramiro, may ganyan sa pantalan, ‘NBI Brokerage’ na dapat ay kasama sa mga dapat ninyong “bantayang mabuti,” hehehe!

May ilan pa ring mga ‘players’ sa Aduana na alam nating may “kimkim na galit” kay Comm. Sid dahil sa ginawa niyang pagsasampa sa kanila ng mga mabibigat na kaso katulad ng ‘economic sabotage’ na kapag sumampa sa korte, aba’y ‘no bail’ ito sa mga nakasuhan dear readers!

Posible kayang may ‘confluence of forces’ na “nagtulong” upang “idiin” din si Comm. Sid sa mga kaso bilang “ganti” sa kanya?

Take note dear readers: Ayon kay Comm. Sid, P20 milyon ang inilaan na “pondo” ng ilang ‘players’ sa pantalan maalis lang siya sa puwesto. At dahil napatalsik nga siya, “sino” kaya ang “kumubra” nito, hehehe!

Sa mga “pasakit” na inaabot ngayon ni Comm. Sid, naniniwala tayo na sa dakong huli, “truth and justice will prevail” kaya, abangan natin ang mga susunod na kabanata!

And yes, ‘good luck’ ulit sa iyo, Sec. Sid!