Goodbye pasaway

April 02, 2020

Delikado sa bansa ang anumang kaguluhan sa gitna ng pananalasa ng COVID-19.

Maihahalintulad  ang kalagayan ng Pilipinas sa isang bangka kung saan ang mga sakay nito ay hindi dapat malikot.

Otherwise, tataob ang bangka at pare-pareho tayong malulunod sa malalim na tubig.

**

Gets ko kung bakit napikon si Digong sa mga nag-rally sa Quezon City.  Sino ba naman kasi ang may katok para magtipon-tipon at magprotesta sa EDSA habang nakataas ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila?

Kung hindi sira ulo ang mga nag-rally, malamang na mga kasapi ang mga ito sa grupo na gustong ipahamak ang lahat ng mga Pilipino.

Kung ikaw ang nasa sapatos ni Digong, ano ang gagawin mo?

**

Hindi pwedeng palagpasin ang ginawa ng grupong Samahan ng Magkakapitbahay ng Barangay San Roque dahil maaari itong simulan ng mas malaking perwisyo.

Isipin na lang natin kung gayahin sila ng iba pang mga grupo at maging dahilan upang lumaganap ang paglabag sa batas.

Hindi ba’t ito ang magsisilbing mitsa ng mga krimen tulad ng looting at arson na siguradong ikapapahamak ng mga tindahan na siyang nagsusuplay ng mga pangunahing bilihin ng mga mamamayan habang may COVID- 19?

At kung tuluyang maputol ang suplay na ito, hindi ba’t mas dadami ang masisiraan ng ulo at maghahasik ng lagim? Babagsak ang ating health system pati na rin ang gobyerno.

**

Umiwas na lang sana ang Bayan Muna Partyist sa pakikialam sa nangyaring pagbuwag sa rally ng mga pasaway na residente ng San Roque.

Tuloy, nabansagan pang mga komunista ang mga kawawang raliyista.

Binira ng Bayan Muna Partylist ang umano’y marahas na pagbuwag ng mga miyembro ng Philippine National Police sa nasabing rally.

Dapat daw sa halip na pinaghuhuli ang mga pasaway na raliyista ay binigyan sila ng kwarta at pagkain.

Susmalosep! Paano susunod sa ECQ ang mga kababayan natin kung magpaparaya ang mga otoridad sa mga pasaway?

**

Kaya huwag na rin sanang sumama ang loob ng mga taga-suporta ni Pasig Mayor Vico Sotto matapos itong imbitahan ng National Bureau of Investigation na magpaliwanag.

Pinagpapaliwanag ng NBI si Sotto sa kanyang umano’y paglabag sa quarantine rules partikular sa patuloy na paglipana ng mga tricycle sa kanyang lungsod.

Ayon sa batas ng quarantine, bawal magpasada ang mga tricycle dahil imposibleng maipatupad ang social distancing sa pagsakay ng mga mamamayan sa mga ito.

Nauna nang kwinestiyon ni Sotto ang pagbabawal sa tricycle, bagay na nakasama sa pagpapatupad ng ECQ dahil nagdulot ito ng pagduda sa kakayahan ng gobyerno na mapanatili ang kaayusan habang tinutugunan ang problema sa Covid 19.

Don’t get me wrong. Hanga naman tayo sa mga bago at batang lider na may bitbit na sariwang ideya at programa para sa kaunlaran ng bayan.

Ngunit hindi ito ang panahon upang sumalungat sa direksiyon ng gobyerno na abala sa pagtugon sa krisis.

Muli, hiling ng inyong lingkod na sumunod po muna tayo sa mga otoridad. Ito lamang ang paraan sa kasalukuyan upang magkaroon tayo ng iisang direksyon tungo sa ating tagumpay laban sa COVID- 19.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com