Govt projects, tama lang ituloy kahit may ECQ

April 12, 2020

IBANG klaseng kalaban ang Coronavirus disease (COVID-19) na patuloy na nananalasa sa buong mundo.

Pinadapa niya ang ekonomiya ng buong mundo, kabilang na ang Pilipinas at pati ang mayayamang bansa na katulad ng Estados Unidos.

Sa Pilipinas,  bagsak na bagsak ang importation business.

Dito pa naman kumukuha ng buwis ang Bureau of Customs.

Marami rin sa mga manggagawa sa mga pabrika ang umaasa sa raw materials ng nanggagaling sa ibang bansa. Paano na ngayo sila?

Sa implementasyon ng enhanced community quarantine sa Luzon ay maraming negosyo ang nagsara.

Hindi lang mga importer ang apektado. pati mga broker at iba pang nagtatrabaho sa aduana.

Maraming sektor ng lipunan ang "nagutom" dahil sa quarantine.

Hindi naman natin masisisi ang gobyerno dahil ang quarantine lang ang nakikita ng mga eksperto na makapipigil sa mabilis na pagkalat ng virus.

Ang problema lang, sadyang maraming pasaway sa atin.

Lahat ay ginagawa para mapaikutan ang quarantine law.

Nakakalungkot naman dahil ang gusto lang ng gobyerno ay pangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan.

Dapat sa mga mahuhuling pasaway ay pagtrabahuhin ng tatlong araw na community service sa pamamagitan ng paglilinis at pag-disinfect sa kanilang barangay.

Kailangan din pagmultahin ng hindi bababa sa P500 para madala.

Ano sa tingin niyo?

***

Hirap ang gobyerno para maghanap ng perang  gagamitin sa paglaban sa COVID-19.

Sa totoo lang, ang laki-laki ng pondong inilalabas ng gobyerno para lang matugunan ang pangangailangan ng bansa  sa panahon ng health crisis na ito.

Panay labas ng pera  pero wala namang pumapasok na pera sa kaban ng bansa dahil nga tigil naman ang mga negosyo.

Mauubos ang  pondo ng gobyerno kung magtatagal ang community quarantine.

Oo nga't naaprubahan na ang $500-M na inutang ng Pilipinas sa World Bank pero hanggang kailan ito tatagal?

Ang nasabing loan ay para idagdag ng pamahalaan sa pagbibigay ayuda sa mga mamamayan.

Malulubog tayo sa utang at wala tayong gagawin kundi magbayad ng magbayad na lang ng ating utang pagkatapos ng krisis na ito.

Kaya sana sumunod na lang tayo sa mga ipinag-uutos ng gobyerno para matigil na ang problemang ito.

Kung hindi ay lalong tatagal ang ECQ dahil mahihirapan ang gobyerno na patigilin ang pagkalat ng COVID-19.

Sa isang banda, mabuti at itutuloy na ang ilang proyekto ng gobyerno habang may ECQ. Ito ang pagre-repair ng LRT, MRT, at pagtutuloy sa iba pang infrastructure program. Mas maganda ngang ituloy na rin muna ang pagsasa-ayos ng EDSA, at ibang pangunaging kalsada hanggat may lockdown, iwas trapik dahil kaunti naman ang tumatakbong sasakyan sa nga kakalsadahan.

Mainam din ito upang kahit papaano ay may kitain naman ang mga construction worker.

Kahit papaano ay maiibsan ang pagkagutom ng kanilang pamilya.

At habang walang trabaho ang marami sa atin, dapat siguruhin ng gobyerno na may kakainin ang taumbayan habang hindi pa sila puwedeng gumala para maghanapbuhay.

Pati gamot ng mga mahihirap na may sakit ay dapat mayroon sa mga health center sa buong bansa.

Tama ba kami, Pangulong Duterte, Senador Bong Go, DOTr Sec Arthur Tugade at DPWH Sec. Mark Villar?

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )