Heneral Hinlo

PINAKABA ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang marami sa confirmation hearing ng mga mapo-promote na mga military official sa Senado kamakailan nang tanungin niya si Army Col. Rommel Hinlo ukol sa isang accountability na nagkakahalaga ng mahigit P700,000.

Kilala natin si Hinlo dahil nakasama natin siya sa pag-iikot sa mga sulok ng bansa upang tulungan ang gobyerno sa pagpapatupad ng pambansang programa ilang taon na ang nakakalipas. Major pa lang siya noon.

Mabait at matikas  itong si Hinlo sa aking pagkakatanda. Pasok siya sa description na “an officer and a gentleman”.

Matapos ang 10 taon nang huli kaming magkasama, mainam naman at magiging heneral na pala itong si Hinlo.

Pero yun nga lang, bukod tanging tinanong ni Lacson si Hinlo ukol sa kanyang P700,000 accountability na hindi maipaliwanag ni Hinlo.

Buti na lang at agad kumilos ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines upang ipaliwanag ang naturang accountability na gustong malinawan ni Lacson.

At in fairness, maraming senador kabilang na sina Sen. Risa Honteveros at Miguel Zubiri na humabol sa naturang hearing ang dumipensa kay Hinlo na ayon sa kanila ay may kahanga-hangang performance at walang bahid ng anumang korapsiyon.

Sa madaling salita, nasagot ang tanong ni Lacson at tuluyang na-promote si Hinlo bilang Army brigadier general.
Congrats Heneral Hinlo!

***

Nasa confirmation hearing ng mga military officials sa Senado ang inyong lingkod kamakailan upang suportahan si Davao Rep. Isidro Ungab na na-promote bilang reserve army colonel.

Nakapasa si Ungab sa hearing with ‘flying colors’. Kapuna-puna ang paghanga sa kanya ng mga senador partikular si Lacson na pinuri ng mambabatas dahil sa kahanga-hanga niyang nagawa sa House committee on appropriations bilang chairman.

Hindi tuloy napigilan itanong ni Lacson kung bakit siya napalitan. Pabiro namang sinabi ni Ungab ni hindi niya sasagutin ang tanong ni Lacson dahil humaharap siya sa hearing bilang isang sundalo.

Tama nga naman.

Mabuhay ka Rep. Ungab and more power to you!

***

Napakaganda naman talaga itong si Sara ‘Inday’ Duterte, ang mayor ng Davao at anak ni Pangulong Duterte.

Litaw na litaw ang pagiging tisay ni Inday nang lumitaw siya sa confirmation hearing ng Senado para sa mga military officials.

Parehong na-promote si Sara at Ungab bilang reserve army colonels sa pagtatapos ng hearing nuong Miyerkules.

Walang ere si Inday dahil pinakikisamahan niya ang mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga humahanga sa kanya.

Sa kabila nito, dama ang tibay ng loob ni Inday dahil na rin sa tikas ng kanyang tindig at likas na kakayahan bilang isang lider.

Hindi makakaila na isa siyang Duterte.

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com