Highway Boys!

February 02, 2019

MAGSASAGAWA ng pagdinig bukas, araw ng Lunes, ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, hinggil sa pagkamatay ni Richard Santillan at umano’y kasintahan nito na kapwa pinaniniwalaang miyembro ng Highway Boys

Ang pagdinig ay base sa inihaing Senate Resolution 1008 nina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senador Panfilo Lacson upang mabigyang linaw (in aide of legislation) ang pagkamatay ni Santillan na security aide ni Atty. Glen Chong, isang election lawyer at tumatakbo ngayong senatorial elections.

Dahil dito, asahan ang ‘face off’ nina Chong at Chief Supt. Edward ‘Ted’ Carranza, director ng Police Regional Office (PRO) 4-A, na makailang ulit batikusin ng abogado sa social media bunsod ng bintang na sinadya ang pagpatay sa pinakamamahal niyang security aide  at umano’y girlfriend ni Santillan na si Gessamyn Casing.

Sa ganang akin, magandang pagkakataon ang nasabing pagdinig upang mailatag isa-isa nina Atty. Chong at Gen. Carranza ang kani-kanilang ebidensiya hinggil sa tunay na pangyayari sa pagkamatay ni Santillan.

Akusasyon ni Chong, siya umano ang pangunahing target ng pulisya at hindi si Santillan upang ‘patahimikin’ sila  sa ibinunyag na ‘election fraud’ noong 2010 national elections na diumano’y minaniobra ng Smartmatic.

May bintang pa si Chong na dumanas muna ng torture si Santillan bago pinatay ng kagawad ng pulisya. Magandang pagkakataon ito upang maiharap sa pagdinig ang tunay na resulta ng medico-legal ng Scene of the Crime Operation (SOCO) na higit na pinaniniwalaan sa hukuman.

Sa panig ni Carranza, nanindigan siyang lehitimo ang naganap na operasyon noong December 10, 2018 sa floodway ng Cainta, Rizal.

Hindi umano niya kilala si Santillan at hindi rin niya kilala si Chong.

Ayon kay Sr. Supt. Joseph Arguelles ng PRO4-A at siya ring overall head investigation sa Santillan Highway Boys case, ang naganap na engkuwentro ay resulta ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ipinagbabawal na gamot at pagsugpo sa iba’t ibang karumal-dumal na krimen.

Resulta ito sa deklarasyong giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte, base na rin sa mariing tagubilin ni PNP chief Director General Oscar ‘Oca’ Albayalde.

Sinabi ni PRO4-A intelligence chief Sr. Supt. Cerafin Petalio, matagal na nilang sinusubaybayan si Casing na isa sa ‘distributor,’ ‘runner’ at ‘finance officer’ ng Highway Boys.

Katunayan, mismong mga mamamahayag pa sa Rizal province, partikular na ang ABS-CBN, GMA-7 at UNTV ang nakasubaybay at nagbibigay ulat sa publiko kung paano naging public enemy number 1 sa Southern Tagalog province ang naturang grupo.

Iba’t ibang video clippings (https://www.youtube.com/watch?v=PUuygC9SV9Y); (https://www.youtube.com/watch?v=J5PqzZ5BEz4); ang ipinadala sa ‘Uncovered’ ni Petalio na nagpapatunay na matagal na nilang nae-engkuwentro sa iba’t ibang police operation ang Highway Boys na madalas ay nakikipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Katunayan, noong Pebrero 12, 2018 napatay sa police operation si Sr. Insp. Jimmy Senosin, deputy chief of police ng Cainta Police, nang manlaban ang Highway Boys. Isang sibilyan din ang nadamay sa naturang shootout, ngunit nadala agad sa pagamutan kaya nailigtas sa tiyak na kamatayan.

Ayon kay Sr. Supt. Chitadel Gaoiran, chief public information office ng PRO-4A, ang Highway Boys ang isa sa malaking supplier ng droga sa Rizal province, gayundin sa Pasig City, Marikina City at lalawigan ng Bulacan.

Sangkot din sila sa mga serye ng holdapan, gun running at kahit gun-for-hire syndicate. Bukod sa matataas na kalibre ng baril, armado rin ang Highway Boys ng granada. May isang insidente sa police operation na hinagisan ang ating kapulisan ng granada, mabuti na lang at hindi ito sumabog.

Ang iba pang kaso ng Highway Boys ay pinapatay nila at isinisilid sa drum ang mga pusher na sinu-suplayan nila ng droga sa tuwing hindi nakakapag-remit ng kanilang benta sa shabu. Ang pangyayaring ito ay napatunayan sa ilang pagsalakay na isinagawa ng Rizal Police Provincial Office (RPPO) sa kuta ng Highway Boys at nadokumento rin ng ilang media.

Sinabi ni Petalio na sa isinasagawa nilang ‘build up’ sa ‘intelligence gathering,’ si Casing ay isa sa ‘ring leader’ ng Highway Boys. Diumano, ‘boyfriend’ nito si Santillan na ang pakilala sa Floodway Cainta ay isang alagad ng batas.

Bukod sa nagsisilbing ‘middleman,’ ‘finance officer’ at tagatago o tagadala ng supply ng shabu, si Casing din ang madalas lapitan umano ng mga drug pusher upang pigilan ang Highway Boys na wag muna silang patayin at isilid saka sesementuhan sa drum.

Bago naganap ang engkuwentro noong Disyembre, ang Toyota Fortuner na sinasakyan nina Santillan at Casing ay madalas nang naiispatan ng ‘intelligence people.’

Hindi aniya totoong nakapangalan ito kay Chong, kundi nakapangalan ito sa kanyang kapatid.

At kahit nakapangalan iyon kay Atty. Glen, ayon pa kay Col. Aguelles, hindi ito ‘passport’ upang hindi parahin ng mga awtoridad ang nasabing sasakyan dahil tatlong taon itong hindi nakarehistro sa LTO.

Para kay Carranza, sa magaganap na pagdinig bukas, mabibigyang-linaw din ang lahat ng bintang laban sa kanyang mga pulis.

Nabatid na nasa ‘abroad’ si Carranza nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng Rizal police, SWAT at High Patrol Group (HPG), ngunit pinanindigan nito ang kanyang mga tauhan dahil alam niyang lehitimo ang naganap na police operation.

Kung may nangyari mang ‘excessive use of force,’ ang Regional Internal Affairs Service (RAIS) na ang magdedetermina rito.

Nilinaw ni Carranza na inimbitahan din ng RAIS ang pamilya ni Santillan upang makipagtulungan sa imbestigasyon, ngunit sa hindi malamang dahilan, hindi umano sila nakipagtulungan sa mga awtoridad.

Panawagan ng heneral, hindi dapat magamit sa pulitika ang Santillan case, lalo’t alam ng lahat na tumatakbo ngayon sa pagka-senador si Chong.

At ang tunay na isyu aniya ay ang mga karumal-dumal na kaso ng Highway Boys at hindi ang Smartmatic na kahit saang anggulo nila tingnan ay hindi makita saan mang ‘intelligence network’ ng kapulisan.

Ang pinuno ng Highway Boys na si alyas Barry ay nakalalaya pa rin hanggang sa kasalukuyan.