‘Hindi ako bakla’

KONTROBERSIYAL ngayon ang pahayag ni Russian President Vladimir Putin sa kanyang pagbatikos sa masyadong malawak at maagang sexual orientation ng isang tao.

Binabanggit ni Putin na walang masama sa LGBT pero hindi niya matatanggap magmula pa lamang sa kamusmusan ay kailangan nang imulat sa ganitong orientasyon ang populasyon.

Pumalag si Sir Elton John sa ganitong pahayag ni Putin at inakusahan niya ang Russian leader ng double talker dahil may conflict daw sa kanyang mga pahayag.

Sa tingin natin, problema ng mundo ang isyung ito, lalo na dito sa Pilipinas na mas mukhang liberal kaysa sa mga Western countries gaya ng Amerika at Europa.

Sa bayan ng  mga puti at matatangos ang ilong, hindi naman masyadong bukas ang pagiging bakla o tomboy ng mga bata. Katulad ng sinasabi ni Putin, hayaan silang magdesisyon kapag nasa tamang edad na.

Ang binabanggit dito ni Putin ay hindi naman ang actual na pagdikta o pagtuturo sa mga bata kung paano maging third sex. Ang tinutukoy ay ang masyadong open sa media, mula sa print hanggang electronic media ang LGBT orientation.

Wala naman tayong problema sa pagdami ng bakla at tomboy sa lipunan dahil marami naman sa kanila ang produktibong mamamayan. Marami rin sa kanila ang mga disente at masasabing matatalinong nilalang na bahagi ng ating nation building.

Ang hindi lamang natin matatanggap ay ang garapal na pagpapakita sa media ng mga sistemang nagbibigay ng idea sa populasyon kung paano nga ba ang maging LGBT.

Iyon bang ilalantad sa telebisyon na nagtatalik ang magkaparehong kasarian at kung paanong dapat magbihis ng babae ang isang lalaki at kung paanong magbihis na parang lalaki ang isang babae. Sila Elton John at  CNN’s Anderson Cooper  ay mga mabuting ehemplo ng LGBT community na maayos magdala ng  kanilang mga sarili.

Pero kapag nakakakita ka sa telebisyon ng mga bading na cross-dressed at lahat ng kilos ay katulad na rin ng babae, ito ang binabanggit ni Putin na lantarang sexual orientation na puwede namang hindi nangyayari.

Marami tayong mga kaibigang bading at tomboy na masasabing maayos magdala. Sa tingin natin, kung minsan lumalagpas na sa “demokrasya” ang iba kaya ganoon ang pahayag ni President Putin.

Okey lang ang peaceful co-existence pero kailangan pa rin nating ikunsidera at palayain ang mga musmos sa sitwasyong hindi pa nila mauunawaan.

Ang lantarang sexual orientation gamit ang media  ay tulad ng mga pop out advertising sa internet na ipinipilit sa iyo kahit ayaw mo.

allanpunglo@gmail.com