Hindi “balat-sibuyas” si Sec. Año

August 11, 2020

“IPINAPAHANAP” na nitong kaibigan nating si DILG secretary, Ed Año, ang mga “kurimaw” na binaboy, ehek, binago, ang orihinal na ‘photo release’ ng DILG hinggil sa social distancing sa loob ng bahay.

Aniya pa nga sa atin, ipinahahanap na niya sa CIDG ang nasa likod ng saltong “balita” upang masampahan ng kaukulang mga kaso. “Kailangang silang maturuan ng leksyon,” banggit pa niya sa atin.

Agaran kasing ‘nag-trending’ ang aniya’s “fake news” sa social media kung saan pinalabas na sinabi niyang kahit katatapos lang ‘mag-sex’ ng mag-asawa, dapat pa rin silang magkaroon ng ‘social distancing.’

Sa totoo lang, malinaw na kalokohan ang nasabing post sa FB at sa opinyon ng mga miron, hindi na niya ito dapat pinapatulan; huwag daw siya maging “balat-sibuyas.”

Sa ganang atin naman, masasabi nating kahit paano ay kilala natin ang kanyang pagkatao. Hindi siya balat-sibuyas;’ “mas masahol” pa nga ang mga kasinungalingan hinggil sa kanya na ipinakalat ng mga kalaban ng gobyerno, partikular na ang mga komunista, kung saan isa sa mga ito, ay ang pagtawag sa kanya ng “berdugo.”

At ang lahat ng ito ay alam nating “tinawanan” lang niya dahil malinis ang kanyang konsensiya at bilang lingkod-bayan, alam niya na hindi maiiwasan na mabatikos siya.

“It goes with the territory,” wika nga.

Naniniwala rin tayo na ‘under normal circumstances,’ hindi na niya papatulan ang ganitong mga “birada” sa social media.

Subalit, hindi nga kasi “normal” ang ating sitwasyon—‘andito pa rin at kinakalaban pa rin natin ang problema sa COVID-19—at ang bawat panlilinlang sa publiko at pagbaligtad sa mga sinasabi ng ating mga opisyal sa gobyerno ay may malaking epekto sa ating lahat, hindi ba mga kabayan?

Sa panahon nga naman kasi na ang kailangan natin ay pagkakaisa para epektibong labanan ang mga sandamakmak na problemang nilikha nitong COVID-19, hindi dapat palampasin ang mga ginagawang “pang-iinsulto” sa ginagawa ngayon ng DILG at ang paglulubid ng mga kasinungalingan na magreresulta sa kawalan ng tiwala ng publiko sa mga ahensiya ng gobyerno.

At kung babalewalain nga naman niya itong huling “kagaguhan” ng ilang mga walang magawa nating kababayan, eh, hindi malayong gumawa pa sila ng mga mas masahol na intriga, hindi ba, mga kabayan?

Kumbaga, kung hindi “aawatin” at ipaalala sa kanila na sablay na ang kanilang ginagawa, eh, pihadong hindi nila titigilan ang ganitong mga kataranduhan, hindi ba, dear readers?

Pansinin din natin na dahil sa ginawang pagsasampa ng kaso sa mga nagyayabang sa social media na “papatayin” nila si PDU30 at magbibigay pa ng pabuya sa papatay sa kanya, “nahimasmasan” ang ating mga kababayan at natigil ang ganitong mga pagbabanta sa buhay ng ating pangulo.

Isa nga kasi sa “problema” ng ating demokrasya, partikular na ngayong laganap na ang ‘social media platforms’ katulad ng Facebook, marami sa atin ay “bira lang ng bira” dahil “nakatuwaan” lang at hindi na iniisip ang negatibong epekto na ibubunga nito.

At mas masahol pa, ang post naman ng iba ay talagang pulos nilubid na kasinungalingan at intriga laban sa gobyerno dahil lang wagas silang mga galit sa gobyerno. O kaya naman, paninirang puri sa ibang tao dahil lang sa personal na away nila.

Isang demokratikong plataporma ang social media, mga kabayan. Subalit dapat tandaan  na ang bawat pang-aabuso ay may karampatang parusa.

Gets ninyo?

Abangan!