Hindi matapos na kaguluhan sa Mindanao

BAGO mangyari ang pagbomba sa Jolo, Sulu nitong Enero 27, na tinaguriang “Jolo Cathedral Bombing,” kung saan dalawampung (20) sibilyan at sundalo ang namatay at 77 ang nasugatan, marami nang nangyaring pagbomba sa Mindanao, na di-umano’y gawa ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).

Kaugnay nito, ni-research ko ang mga terorismong ginawa ng ASG at mga alyado, tulad ng pagpapasabo sa mga gusali at paglusob sa mga bayan, kung saan ang mga namatay ay higit dalawampu (20), gaya ng mga sumusunod:

1. March 4, 2003, Davao International Airport bombing, 22 ang patay at 155 sugatan.

2. December 30, 2000, Rizal Day bombing sa Metro Manila, 22 ang patay at 120 ang sugatan.

3. February 25, 2000 Ozamis ferry bombing, 44 ang patay at 100 ang sugatan.

4. April 4, 1995, ASG attack sa Ipil, Zamboanga, 71 ang patay at 48 ang sugatan.

5. February 26, 2004 Super Ferry bombing, the worst Philippine terrorist attack, na gawa ng ASG at Rajah Solayman Movement sa pamumuno ni Redondo Cain Dellosa, kung saan 116 ang namatay.

Hindi kasama rito ang mga namatay sa pagbomba at pag-atake ng ASG at Jemaah Islamiyah (JI), na konektado sa international terrorist group na Al-Qaeda, kung saan ang mga namatay ay dalawampu (20) pababa.

Samakatuwid, napakarami ng namatay kaugnay ng terorismong inihahasik ng ASG, JI at iba pang mga rebeldeng grupo sa Mindanao.

Kaugnay nito, ayon sa datos, mahigit 120,000 na ang namatay, mga rebelde, sundalo at pulis ng gobyerno at sibilyan sa mahigit limampung (50) taong digmaan sa Mindanao.

May mga pagkakasundong ginawa ang pamahalaan para wakasan ang digmaan sa Mindanao, tulad ng Tripoli Agreement noong 1976 sa pagsusulong ni Libyan Leader Moammar Khadafy, sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur Missuari at pamahalaang Marcos, subali’t hindi ito nagtagumpay.

Sa paglipas ng panahon, nahati ang MNLF at nagkaroon ng bagong paksyon, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na noong March 27, 2014 ay pumirma ng final peace agreement sa gobyerno ng Pilipinas.

Dahil sa pakikipagkasundo ng MILF sa pamahalaan ay may mga kasapi rito na kumalas at nagtayo ng sariling grupo at sandatahan, ang Bangsamoro Islamic  Freedom Fighters (BIFF) at Bangsamoro People’s Progressive Alliance (BPPA).

Ang mga grupong ito, di-umano, ang nakikipag-alyansa sa ASG at JI upang magkaroon sila ng lakas sa pagtatayo ng Islamic State sa Mindanao.

Ayon kay Pangulong Duterte ang ASG ang nasa likod ng pagbomba sa Jolo Cathedral.

Batay sa mga nabanggit, ASG ang may kagagawan sa mga pambobomba at terorismong  nangyari sa Mindanao at bansa simula pa noong 1995.

Panahon pa ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos ang kaguluhan sa Mindanao. Ang mga sumunod sa kanya, sina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Benigno Aquino at ngayo’y Rodrigo Duterte ay pawang nilabanan ang banta ng terorismo sa kani-kanilang administrasyon.

Ang panunungkulan ng lahat ng mga nasabing Pangulo na gumamit ng dahas laban sa mga rebelde sa Mindanao ay pawang nabigo.

Samakatuwid, hindi paggamit ng pwersa at dahas magagapi ang rebelyon sa Mindanao.  
Sa ganang akin, magkakaroon lang ng kapayapaan, kaunlaran at kaayusan sa Mindanao, kung ang mga lider Muslim rito ay maglilingkod ng buong katapatan sa kanilang mga kababayan.

Kung ang mga bagay na nararapat ibigay sa tao ay kanilang ibibigay at ‘di gagamitin sa pagpapaunlad ng kanilang mga kamilya, ay saka lang magkakaroon ng pagbabago at kaunlaran sa Mindanao.

Hindi mga baril at bala ang magpapatahimik sa Mindanao, subali’t pagkain, lupang sasakahin, bahay, mga payak na pangangailangan upang ang tao’y mabuhay ng may dangal at higit sa lahat edukasyon, ang magbibigay ng katahimikan at pag-asa sa Mindanao na tinaguriang Lupang Pangako.