Hindi nagpapabaya ang BoC-NAIA, Port of Clark

June 17, 2020

SINASAMANTALA ng mga ismagler ang pagkakaroon ng COVID-19 pandemic para magpasok ng mga kontrabando sa bansa.

Akala nila maiisahan nila ang mga  taga-Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang akala nila ay makakalusot sila sa mga tauhan ni BoC-NAIA  District Collector Mimel Manahan-Talusan.
Kapag hindi magkakatugma ang mga impormasyon na nakalagay sa mga import paper ay binubuksan ang mga shipment.

Dito na nabuko ang tunay na laman ng shipment.

Ganito nahuli ng mga tauhan ni Ma'am Mimel ang mga ecstasy na nakatago sa isang paper shredder.

Ang ecstasy na galing United Kingdom ay nagkakahalaga ng P 9 milyon.

Natagpuan ang kontrabando sa isang warehouse sa Pasay City na sinalakay ng mga taga-BoC.

Ipinasa na ng BoC ang 5,205 tabletas ng ecstasy sa PDEA para sa kaukulang imbestigasyon.

Kakasuhan ngayon ng PDEA sa kasong paglabag sa CMTA ang hindi pinangalanang consignee ng ecstasy.

***

Sa Port of Clark sa Pampanga, iba naman ang paraan ng isang ismagler ng American dollar.

Isiningit naman niya ang mga US dollar bill sa mga pahina ng pitong magazines.

Umaabot ng USD 54,215 ang isiningit na pera na galing sa Hong Kong.

Dumating sa Port of Clark noong Mayo 25  ang shipment  na idineklarang naglalaman ng "chinese cook book recipes."

Naglabas na ng warrant of seizure and detention si Port of Clark District Collector Ruby Alameda.
Isang paglabag sa Republic Act No. 10863 o CMTA ang pagsingit ng US dollars sa mga pahina ng pitong magazines.

Siniguro ni Coll. Alameda na laging alerto ang kanyang mga tauhan para huwag makalusot ang mga kontrabando sa Port of Clark.

Noon ngang Hunyo 11 ay nag-turnover sila Alameda sa Philippine National Police  ng mga forfeited at abandoned shipments.

Ang mga shipment ay naglalaman ng mga baril at accessories.

Ang pagsasalin ay  dinaluhan ni Collector Alameda at mga opisyal ng PNP at Commission on Audit.

***
Kung walang sapat  na public utility vehicles (PUVs) na pumapasada ay hindi aarangkada ang ating ekonomiya.

Kahit maraming bukas na negosyo ay lalangawin lang ang mga ito.

Bakit ika niyo?

Wala kasing kostumer.

Walang masakyan ang mga mamimili dahil iilan lang  naman ang may mga sasakyan, lalo na sa nga probinsiya.

Sobrang maningil ang mga tricycle na puwede lang magsakay ng isang pasahero.

Kaya nga sa mga online seller na lang bumibili ang maraming tao.

Kahit mas mahal ang nabibili sa mga negosyanteng ito ay mas matipid bumili sa kanila dahil sa taas ng pamasahe na sinisingil ng mga drayber ng tricycle.

Ito ang dapat i-address ng Inter-Agency Task Force.

Marami talagang mapagsamantalang kababayan natin.

(Para s inyong komento at suhestiyob, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)