Hindi pwedeng magpabaya ang mga taga-Bureau of Customs

April 10, 2019

KAGAYA nang lagi nating sinasabi, ang laki ng buwis at taripa na pumapasok sa kaban ng Bureau of Customs ay nakasalalay sa dami at klase ng mga dumarating na importasyon.

Hindi kasalanan ng mga district collector kung bakit kakaunti ang importasyon.

Kung walang importasyon, wala ring papatawan ng buwis.

Ang tanging magagawa ng mga kolektor ay siguraduhing importer at broker-friendly ang serbisyo sa kanilang nasasakupan.

Dapat mapagtuunan na rin na mawala ang red tape at port congestion sa kanilang distrito.

Ayon sa mga waterfront stakeholder, maraming importer at broker ang umaaray dahil sa red tape at pagsisikip ng mga kargamento sa mga pantalan.

Sa tingin ng mga nagmamasid sa pantalan ay hindi na basta nakakapasok ang mga kontrabando dahil sa pinaigting na kampanya laban sa ismagling.

Dapat ding panatilihing masigla ang ekonomiya para dumami pa ang papasok sa import business.

Noong nakaraang buwan ay ilang collection districts ang nabigong maabot ang kanilang collection target.

Pero hindi ibig sabihin niyan ay nagpabaya ang mga opisyal at tauhan ng BoC.

Bukod kasi sa port congestion, kakaunti lang talaga ang dumating na importasyon.

Ngayon kasi, hindi na puwedeng magpabaya ang mga taga-BoC dahil laging nakatutok si Commissiöner Rey Guerrero.

* * *

Maganda ang intensyon ng mga bumalangkas ng Rice Tariffication Law.

Ayaw na nilang maulit pa ang hindi makatwirang  pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.

Ang problema lang, kawawa naman ang mga  nagtatanim ng palay sa bansa.

Wala silang kalaban-laban dito.

Sino pa ang bibili sa kanilang aning palay?

Malamang ay wala na rin dahil kahit sino ay puwede nang mag-import ng bigas.

Ang isa pang problema diyan, baka magkaisa ang mga importer para sila na ang magdikta ng presyo.

Kapag nangyari ito ay siguradong tataas kaysa bumaba ang presyo ng bigas.

Magagawa nila ito dahil bababa ang palay production sa bansa.

Dapat walang mangyaring sabwatan ng mga importer ng bigas.

* * *

Sa mga Katoliko, simula na sa Lunes ang tinatawag na Holy Week.

Ang tawag nila sa araw na ito ay Lunes Santo.

At sa ibang kababayan natin, simula ito ng pagpunta sa mga beach at ibang pasyalan.

Sa mga mandurugas naman, kagaya ng mga akyat-bahay, isnatser at holdaper, dumating na naman ang kanilang maliligayang araw.

Kaya mga kabayan, kapag aalis ng bahay, i-secure ang mga mahahalagang bagay.

At siguraduhin na tanggal lahat ng mga kawad na nakasaksak sa mga power outlet.

Walang masama kung susundin natin ang mga safety tip galing sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno.

Iwasan natin maging pabaya.

Huwag nating kalimutan na ang kasabihang,” nasa huli ang pagsisisi.”

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)