Hindi tumitigil sila Depcom Ramiro sa paghabol sa mga ismagler

February 23, 2020

NAKAPUWESTO pa rin ang ilang tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC).

Sila ang mga nakikipagkutsaba sa mga smuggler/player sa Aduana.

Kaya hindi nakapagtatakang may mga nakalulusot pa ring kargamento na naglalaman ng mga kontrabando.

At nandiyan pa rin ang outright smuggling.

Mahirap ding patigilin dahil maraming isla sa bansa na pwedeng gamiting bagsakan ng kontrabando.

Malayang naibabagsak ng mga ismagler ang mga kontrabando dahil kulang ang Navy, Coast Guard at BoC ng nga patrol boat at iba pang kailangan gamit.

Ang tanging magagawa ng mga otoridad ay salakayin ang mga bodegang naglalaman ng mga puslit na produkto.

Naniniwala tayo na kaya ng mga operatiba ni Depcom for Intelligence Raniel Ramiro na tukuyin ang mga bodegang ito.

Sa katunayan, kamakailan lang ay nahuli nila sa isang bodega sa Malabon ang mga kontrabando na nagkakahalaga ng mahigit 20 milyong piso.

Patunay lang ito na hindi tumitigil sila Ramiro sa paghabol sa mga ismagler.  

Hindi matatawaran ang kakayahan ni  Ramiro dahil isa itong retiradong military general kagaya ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

Sa totoo lang, isa si Ramiro sa mga pinaka-matinik na intelligence officer ng militar noong siya ay nasa serbisyo pa.

Matutunton ng kanyang mga operatiba kung saan-saan naka-imbak o ipinagbibili ang mga kontrabando.

Ang kailangan ni Depcom Ramiro ay sapat na tauhan at kagamitan para matunton ang mga puslit na produkto.

Kahit kasi anong galing nina Ramiro ay mahihirapan sila kung kulang naman sila ng resources.  

Tama ba Finance Secretary Carlos Dominguez III?  

***

Takot na takot na ang taumbayan dahil sa nakakamatay na Covid-19.

Dati ay maraming namimili ng ukay-ukay.

Pero ngayon ay nilalangaw na daw ang mga ukay-ukay.

Hindi natin masisisi ang mga kababayan natin kasi marami na ang namamatay sa Covid-19.

Pero ang natitiyak natin ay sisigla muli ang pagnenegosyo ng ukay-ukay kapag nawala na ang Covid-19 scare.

Marami kasing mahirap sa bansa na wala namang kakayahang bumili ng mga bagong damit, sapatos o bag.

Sa totoo lang. maraming ukay-ukay na magaganda at matitibay pa.

Aanhin nga naman daw ang mga bago na madali namang masira dahil gawa lang sa bansa na ginamitan ng mababang klaseng materyales.  

***

Umaangal na ang maraming magsasaka.

Nababaon na naman daw sila sa utang dahil nalalanta na naman ang kanilang mga pananim na mais at gulay.

Tuyong-tuyo daw ang lupa dahil sa kawalan ng ulan.  

Napakagastos daw ang magpatubig ng pananim dahil mahal ang gasolinang gamit ng mga water pump.

Kapag naman hindi mo raw pinatubigan ang bukid mo ay siguradong patay ang pananim.

Ang masakit nito ay pagdating ng anihan ay patay din ang mga magsasaka.

Mapipilitan silang ibenta sa murang halaga ang kanilang mga  ani dahil kailangang bayaran ang kanilang mga utang.

Ang bibili ay ang mga trader na sila rin ang nagpautang sa mga magsasaka.

Kawawang mga magsasaka!

Ano kayang maitutulong ng gobyerno sa ating mga magsasaka?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0922-5765430/email: vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)