Huli sa 2 kilong shabu, nakapaglagak pa ng piyansa

August 05, 2020

SINO ang hindi manggigigil kung matutunghayan mo sa balita na ang dayuhang nahuli ng mga awtoridad ay dati na palang nadakip at nakumpiskahan ng malaking bulto ng shabu subalit nakalaya matapos mabigyan ng pagkakataong makapaglagak ng malaking halaga ng piyansa?

Natural na may mabigat na dahilan ang hukuman para payagan ang dayuhan na may kakayahang maglagak ng kahit gaano kalaking piyansa para lamang sa pansamantalang paglaya pero paano mapapangatuwiranan kung inulit pa niyang muli ang illegal na gawain?  Palagay kaya ninyo ay mapapahintulutan pa ba siyang muli na makapaglagak ng piyansa?

Ganito kasi ang inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) nang madakip nila ang dalawang Nigerian nationals na sina Samuel Chikwuemera Duruibe at Mmaduaka Vitus Okoli noong nakaraang linggo sa Imus, Cavite sa bisa ng inilabas na search warrant ng Imus, Cavite Regional Trial Court kung saan nakumpiska sa kanila ang 181.21 gramo ng shabu. 

Ayon sa NBI nahuli na nila si Duruibe na hinihinalang miyembro ng West African Drug Syndicate noong taong 2014 kung saan nakumpiska sa kanya ang dalawang kilo ng shabu subalit nakapagtatakang napagkalooban ng pansamantalang paglaya makaraang nakapaglagak ng P1.5 milyong piyansa noong Setyembre ng nagdaang taon.

Marahil, marami ang mag-iisip kung bakit ganito ang sistema ng hustisya sa ating bansa, sa kabila ng seryosong kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga na pangunahing kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Siguro, may sapat na basehan ding nakita ang hukuman para payagang makapaglagak ng piyansa ang dayuhan o nakasilip ng butas ang kanyang mga abogado para kuwestiyunin ang paraan ng pagkakadakip kaya’t pinayagan na mabigyan ng pansamantalang paglaya.

Sa ganito kasing pangyayari sumasaisip ng mamamayan na sadyang hindi patas ang batas sa pagitan ng mga mayayamang dayuhan at mahihirap na Pilipino, hindi lang sa simula ng pagdakip, kundi hanggang humantong sa hukuman ang usapin.

Libreng bike kada lingo ni JRT MAGANDA at napapanahon ang naisip na proyekto  ni Navotas Congressman John Rey Tiangco na “Pa-padyak ni JRT” na nakalaan lamang sa lahat ng mga taga-Navota.

Sa naturang proyekto, mamamahagi ang kongresista ng tatlong bisikleta kada linggo sa mga mamamyan na karapat-dapat lamang gumamit nito pagpasok sa kanilang trabaho o pagtungo sa kanilang paroroonan sa panahon ng pandemya ng COVID-19.

Ang tanging paraan lamang upang mapabilang sa mga mapagkakalooban ng bisikleta ay ang pagsagot ng wasto sa ibinahaging tanong ng kongresista na “Paano makakatulong ang bike sa inyo ngayong may pandemya?” na naka-post sa kanyang social media account na facebook.

Sa tamang komento ibabatay ni Rep. Tiangco kung karapat-dapat na mapagkalooban ng bike ang sinumang mamamayan ng lungsod kasabay ng kanyang paalala na gamitin lamang sa wasto at ibayong pag-iingat ang ipagkakaloob niyang bisikleta.

Signal ng Telcos, palalakasin ANG National Capital Region (NCR) ang itinuturing na pangunahing sentro ng industriya at ekonomiya ng bansa pero alam niyo ba na napakaraming lugar sa Kamaynilaan ang mahina hanggang sa wala pa ring cell phone signal, partikular ang Globe Telecommunication?

Pero hindi pala dapat isisi lahat sa Globe Telecom ang kawalan nila ng signal sa maraming lugar sa Kamaynilaan dahil sa dumaranas pala silang dumaraan sa butas ng karayom para lamang makapagtayo ng cell sites.

Kabilang dito ang hindi pagpayag mismo ng mga residente at maging ng asosasyon ng mga homeowners na nangangamba sa perhuwisyong idudulot ng cell sites, hindi lamang sa kanilang mga appliances kundi sa kanila ring kalusugan at higit sa lahat, ang pagbabangayan daw ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na magkakaiba ang partidong kinaaaniban.

Kamakailan nga lang ay mistulang ibinuking ng Globe kay Pangulong Duterte ang nararanasan nilang pahirap mula sa mga lokal na opisyal sa pagkuha pa lamang ng permiso para makapagtayo ng cell sites sa Metro Manila pero hindi na nila binanggit pa ang mga pangalan sa pangambang lalu silang mapahirapan.

Binigyan kasi ng ultimatum ng Pangulo ang Globe at Smart na bigyan ng mabuting serbisyo hanggang Disyembre ng mamamayan kung ayaw nilang bawiin ng gobyerno ang ipinagkaloob sa kanilang prangkisa kaya napilitan ang naturang telcos na ibuking ang nararanasang red tape sa pagkuha pa lang ng permiso.

Dahil dito tiniyak ng Pangulo na aatasan niya ang DILG na bumalangkas ng mga pamamaraan upang mawala ang sinasabing red tape sa pagkuha ng permiso sa pagtatayo ng cell sites ng mga telcos.

Sabi ni Secretary Eduardo Ano, napagpasiyahan na mula 200 araw ng pag-proseso sa kinukuhang permiso ng mga telcos, kailangan ay mula 16 hanggang 20 araw lamang ay matapos na ang pag-proseso sa dokumento upang mapasimulan ang pagtatayo ng cell tower.

Abangan na lang natin hanggang Disyembre kung gaganda na ang serbisyo ng mga telcos sa Metro Manila at kung sino ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na humaharang sa permiso.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363