Hulihin si ‘Aguas’ at ‘Online Sabong’ ni Atong, patok!

“BUMISITA” pala sa Caraga region noong isang araw si Chief PNP Archie Gamboa, kung saan inulit niya ang kanyang “babala” hinggil sa kanyang ‘one strike’ at ‘no sacred cow policy’ pagdating sa lahat ng uri ng iligal na sugal.

At dahil galing mismo sa kanilang “bosing,” marami tuloy sa hanay ng ating mga pulis ang nagtatanong: “Ano” raw ba kaya ang “nakain” ng kanilang ‘Boss Chief’ at “nagdrama” na naman, hehehe!

Dangan nga kasi, kamakailan ay “malaking balita” ang nangyaring ‘raid’ ng PNP-IMEG (Integrity Monitoring Enforcement Group) sa Cavite pero, si Calabarzon RD Vicente Danao, hindi naman “natinag” sa puwesto, yeheyy!

‘And to be fair,’ wika nga, kay ex-Cavite PD at ex-QCPD na ngayon ay Caraga RD Joselito Esquivel, naniniwala tayong kaya sa kanyang “teritoryo” muling nagyabang, ehek, nagbanta, si Chief PNP Archie, eh, dahil ang Caraga lang ang may ‘accomplishment’ sa kampanya laban sa iligal na sugal, oh, ‘di ba?

Ayon pa rin sa iba nating mga kaibigan sa PNP na “malalim” ang ‘intel’ pagdating sa iligal na sugal, “paano” raw ba sila “maniniwala,” DILG Secretary Ed Año, na “seryoso” sa ‘illegal gambling’ ang kanilang “boss” samantalang kahit isang “enkargado” at “bangka” eh, wala pa ring maipirisinta sa media ang Camp Crame? Oo nga naman, hihihi!

Translation? Ang “eng kargado,” mga kabayan, ay mga aktibong kasapi ng PNP (ang iba pa ay retirado na) na siyang ring “kolektor” ng mga pulis sa hanay ng mga “bangka” o kapitalista ng mga iligal na sugal.

“Halimbawa” na rin, anila, dito sa NCR, “bakit raw ba kahit higit isang linggo na matapos ang deklarasyon ni Chief PNP laban sa iligal na sugal, “namamayagpag” pa rin itong si alias “Aguas” na umano’y ‘designated tara collector’ para sa buong Metro Manila!

Hmm. Isa sa mga sinasabing “galing” ni NCRPO director, P/MGen. Debold Sinas, ay ang kanyang pagiging “magaling” (daw) na ‘intelligence officer.’

Kaya “nahihirapan” tayong “maniwala” na hindi rin niya kilala itong si “Aguas” samantalang ang kanyang pangalan ang “ginagasgas” ng isang ito, hehehe!

Sinasabing “magaling” din (daw) na intel officer itong si NCRPO R2 (intelligence chief), P/Col. Remus Medina, kaya kung hindi rin niya kilala itong si Aguas na sumisira sa kanila ni RD Sinas, eh di… wow, hahaha!

Translation ulit? Kung hindi magagawang “damputin” ng PNP ang mga katulad ni Aguas, aba’y dapat mag-isip na lang ng ibang “drama” si Chief PNP, hindi ba, dear readers?

‘Yun bang… isang kampanya na puwedeng masubukan ang kanyang pagkalalaki, tama ba, Central Luzon police director, P/BGen. Rhodel Sermonia? Long time no see, ha, hehehe!

At nabanggit na rin lang si Col. Remus Medina, matatandaan, dear readers, na noong isang taon, dalawang artikulo sa pitak na ito ang aking naisulat hinggil sa kanyang pagpapasubali na isa siyang “ninja cop” (People’s Tonight issue of October 31 and November 5, 2019).

Ang mga artikulo ay bilang pagtupad sa ating obligasyon—bilang mamamahayag— na bigyan ng pagkakataon si Col. Medina na ipahayag sa publiko ang kanyang pagkakasangkot sa isyu ng kanyang pagiging “ninja cop,” akusasyon na inimbestigahan pa nga ng PNP, mismo!  

Eh, kumusta na kaya ang ‘status’ ng kanyang mga kaso? Dangan nga kasi ay ibinulgar din ni Chief PNP Archie na may 357 miyembro ng PNP ang sangkot sa iligal na droga.

Itinatanong natin ang status ni Col. Medina dahil hindi tayo nagkaroon ng pagkakataon na “masilip” ang listahan ng mga pulis na nabahiran ng iligal na droga.

Bukod naman kay Col Medina, isa pang kilalang pulis na “nasabit” (o sadyang isinabit ng kanyang mga kasamahan?) ay si P/Lt. Colonel Jovie Espinido—na ngayon ay “nalinis” na ang kanyang pangalan.

Eh, ito bang si Col. Medina, “nalinis” na ba niya ang kanyang pangalan? Ginagawa natin ang pitak na ito ay wala siyang sagot sa ating ‘text message’ kaya nagtatanong tayo ngayon, hane?

***

Nagkaroon pala ng “munting problema” sa isang “OTB” (off-track betting station) sa Quiricada, Manila, na isa sa mga ginawa na ring ‘betting station’ ng ‘online sabong’ nitong si Mr. Charlie ‘Atong’ Ang.

Ang siste, isang pobreng teller, si ‘Maricel,’ aka, “Pangga,” ang “napagbintangan” ng may-ari ng OTB na “nandugas” ng halagang P10,000. At susme, “ibinalandra” pa umano ang kanyang pagmumukha sa labas ng OTB, talaga rin naman!

Personal nating kilala itong si Pangga, Mr. Charlie, at ang bintang sa kanya, sa ganang atin, ay isang malaking kasinungalingan. At dahil “nakarating” na rin naman (daw) sa atensyon mo ang insidente eh, “pakitulungan” mo na lang, hane?

Kahit minsan ay hindi pa natin nakaharap itong si “Atong,” mga kabayan bagaman nga “putok” sa buong ‘Pinas ang kanyang pangalan, lalo pa nga at “sugal” ang pag-uusapan.

At ngayong ‘na-eclipse’ na niya ang kanyang “kalaban” sa online sabong,’ aba’y lalo pang magiging sikat ang mamang ito, hindi ba mga kabayan?

Sabi nga ng ating mga miron, basta online sabong ni Atong—sa Maynila, Quezon City, Pasay City, Valenzuela City, among other places—siguradong “patok,” yeheyy!

Eh, bakit hindi magiging patok samantalang bukod sa may sarili pala siyang “makina” (computerized betting station), wala ring nangyayaring ‘harassment’ sa hanay ng mga  pulis, partikular na sa CIDG nitong ating “kaibigan” na si CIDG director, Jigs Coronel.

Pero yung online sabong nitong si alias ‘Reyno,’ pulos ‘raid’ ang inaabot, hehehe!

Ang “tanong” lang naman na sana ay magkaroon ng kasagutan—para na rin kay Pang. Rody na palaging sinasabi na kailangan natin sa lahat ng oras ang ‘rule of law’—ay ito:

“Ligal” ba ang online sabong ni Mr. Charlie ‘Atong’ Ang, GAB chairman Baham Mitra, DILG secretary Ed Año at Chief PNP Archie Gamboa?

Hindi naman kasi puwedeng basehan na dahil hindi “napipitik” ng PNP, eh, “ligal” na, hindi ba, dear readers? Hindi ba puwede na sadya lang “magaling makisama” si Atong Ang?

Abangan!