Huwag susuko sa pagsusulong ng kapayapaan

January 30, 2019

KUNG minsan, mapapaisip ka kung bakit kayang pumatay ng mga tao ng kanyang mga kapwa tao.

Hahanapan mo talaga ng paliwanag kung bakit pagkatapos makapatay ng maraming tao sa pamamagitan ng pagsabog ay magpapalakpakan pa at aakuing sila ang may kagagawan.

Itong bombing ng cathedral sa Sulu na ikinamatay ng mahigit dalawampung nagsisimba ay ehemplo ng pagkasira ng mga idolohiya ng tao. Wala namang taong isinilang na likas na masama, wala namang taong mula sa pagkasanggol hanggang magkaisip ay gugustuhin niyang pumatay at matuwa sa kanyang maling ginawa.

Hindi lang ang latest bombing sa Mindanao ang aking tinutukoy. Nangyayari ang ganitong senaryo sa maraming bahagi ng mundo. Mga tagpong basta na lamang sasabog ang isang lugar na maraming tao at bibilang ka ng bangkay pagkatapos.

Kung may tinatawag talagang senseless killing, ito na iyon, ang pagbomba sa isang umpukan ng tao, nagsisimba man, nagsa-shopping, dumadalo sa marathon o anumang okasyon.

May problema ang mga taong nagdiriwang sa tuwing sumasabog ang itinanim nilang explosives at magreresulta sa pagkasira ng gusali o kaya’y pagkasawi ng mga inosenteng mamamayan.

Para sa kanila, tagumpay ang makapatay ng mas maraming tao, para sa kanila, simbolo ng kanilang paniniwala ang pagpatay, ang pamiminsala at paghahasik ng takot sa mga tao.

Ito ang prinsipyong tinatayuan ng mga taong naligaw na ng landas, hindi mo na sila kayang ibalik sa tama. Kaya nga masyadong mailap ang kapayapaan sa Mindanao at iba pang panig ng mundo dahil sarado na ang kanilang isip para sa maling pakikipaglaban.

Kung bakit palaging huli sa kaunlaran ang Mindanao, kung bakit sa kabila ng kayamanan ng lupa, kasaganaan sa prutas, mina, magagandang tanawin at maraming mabubuting tao ay nasa Mindanao pa rin ang poorest of the poor ay dahil sa mga maling prinsipyong nakagisnan ng mga nanggugulo.

Kinokondena natin sa pinakamalakas na salita ang pagpapasabog na ito sa Sulu at ipanalangin natin ang kapayapaan ng kaluluwa ng mga nasawi.

Huwag tayong susuko sa paghabol sa mailap na kapayapaan, umaasa tayong darating din ito sa puso ng mga taong nabubulagan sa kanilang mga paniniwala.
allanpunglo@gmail.com