Iisa ang kalaban natin- ang COVID-19!

April 19, 2020

Mahirap talagang desisyunan kung palalawigin o aalisin na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.

Kung aalisin ang ECQ ay baka lalong dumami ang magkasakit ng Coronavirus-19.

Kung papalawigin naman ay baka tuluyan ng magkawindang-windang ang ekonomiya.

Siguradong maraming mawawalan ng trabaho dahil maraming maliliit na negosyo ang magsasara.

Pero maganda kung itutuloy ng gobyerno ang "gradual lifting" ng ECQ. Payagan ng magtrabaho ang mga nasa construction business, manufacturing at iba pang essential businesses upang kumita na kahit papaano ang maliliit nating kababayan.

Huwag munang ibalik ang public transport at huwag rin munang payagang magbukas ang mga mall para tuloy ang "social distancing."

Mas magandang pagkakataon rin ito para maisaayos na ang mga proyekto ng DOTr at DPWH.

Nahaharap tayo sa napakalaking problema.

Ang mahirap nito ay wala pang  natutuklasang gamot para sa salot na COVID-19, na kumitil na ng marami sa ibat-ibang parte ng mundo.

Kahit saan tayo tumingin ay parang madilim ang hinaharap ng bansa.

Ang mahalaga ngayon ay magkaisa tayo.

Tigilan na ang pambabatikos.

Kalimutan muna natin ang marami nating pagkakaiba dahil iisa ang kalaban natin - ang COVID-19.

Ang tanong? Puwede pa ba tayong magkaisa?

Puwedeng-puwede pa sa ngalan ng kinabukasan nating lahat.

***

Sa mga COVID-19 checkpoint, lalo na sa mga probinsiya.

Kaawa-awa ang kalagayan ng mga miyembro ng mga "civilian volunteer organization."

Mas kilala bilang mga "barangay tanod," sila ang madalas na nakikitang naglilinis sa paligid ng checkpoint, namamalengke at nagluluto.

Sila ang kasakasama ng mga pulis, sundalo at bumbero na tumatao sa checkpoint 24/7.

Sila ay nagpupuyat at bilad din sa matinding init ng haring araw.

Pero alam ba ninyo na maraming tanod sa mga probinsiya na tumatanggap lang ng honorarium na mahigit P26.00-P40.00 kada araw?

"Frontliner" din sila sa giyera laban sa nakamamatay na Coronavirus-19.

Bilang mga volunteer worker sa barangay, ang mga tanod ay halos 24 hours din ang trabaho mula Lunes hanggang  Linggo.

Kung sila'y magkasakit, kulang ang monthly honorarium na P800.00-P1,200.

Sana naman tingnan ng mga mambabatas ang nakakaawang kalagayan ng mga  tanod at iba pang empleyado ng barangay.

Maging eye opener sana ang nakikitang hirap ng mga tanod sa mga COVID-19 checkpoint.

Tama ba kami, Senador Bong Go?

***

Nakatutuwa naman ang nangyayari sa maraming parte ng bansa.

Maraming magkakamag-anak sa labas ng bansa ang namimigay ng tulong sa mga kapus-palad  sa Pilipinas.

Hindi lang mga kamag-anak ang pinadadalhan ng ayuda.

Madalas ay  lahat ng mahihirap sa kanilang lugar ay binibigyan ng bigas, sardinas, asukal, itlog, kape at iba pang pangangailangan sa araw-araw.

Damng-dama ngayon ang kabutihan ng mga kababayan nating gumanda ang buhay sa ibang bansa.

Dahil sa COVID-19, lumabas muli ang kabutihan ng mga Pinoy.

(Para sa inyong komento at suheatiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)