Inendorso ni Manoy Eddie Garcia si Sen. Bong Revilla!

MAGNU-NUBENTA anyos na si veteran actor Manoy Eddie Garcia ngayong darating na Mayo 2.

Mapatelebisyon o sa personal man, hindi n’yo aakalain na ganoon na pala ang edad ni Manoy dahil malakas pa ito.

Katunayan, marami pa rin siyang pinahanga sa tv series na ‘Ang Probinsyano’ nang gumanap bilang si Don Emilio Syquia o Gustavo Torralba na kalaban ng bidang si Coco Martin, aka Cardo Dalisay. 

Walang duda na taglay ni Manoy ang galing sa pag-akting at kahit sa pagdi-direk ng pelikula.

Kahit anong role,  mapa-action movie, komedya at drama, palaging ‘stand out’ ang magaling na aktor. Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, si Manoy lamang ang may hawak na rekord na Hall of Fame mula sa Best Actor, Best Supporting Actor at kahit Best Director.

Sa tagal nito sa showbiz -- pitong dekada as in 70 years in the industry (unang akting noong taong 1949 at naging direktor taong 1961) -- walang mabigat na intrigang dumapo sa kanya.

At iyan ang dahilan kung bakit kahit sino pang bigating aktor, aktres, direktor, movie producers at mga production crew ay lubus-lubos ang respeto sa kanya.

Tinitingala, hinahangaan, ginagalang at pilit tinutularan. Iyan ang tatak Eddie Garcia!

Ang isa pang nakabibilib kay Manoy, sobra itong magmahal sa kaibigan.

Napatunayan natin iyan dahil sa lahat ng provincial campaign sorties noon ni FPJ na presidential candidate taong 2004, nasa entablado lagi ang Oragon Master upang libangin, i-entertain ang mga botante at personal na i-endorso ang pinakamamahal na kaibigang si FPJ.

Marami na rin ang humimok kay Manoy na pumasok sa mundo ng pulitika. Pero para sa kanya, sapat nang i-endorso ang mga kaibigan sa pelikula na sinisiguro niyang may gagawing tama sa bansa at magtatrabaho ng totoo para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Sa campaign sortie ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa Legazpi City kamakailan, muli na namang nakita si Eddie Garcia sa itaas ng entablado -- may hawak na mikropono at ineendorso si comebacking Senator Ramon ‘Bong’ Revilla.

Siniguro ni Manoy na kung mayroon mang dapat iboto ngayong darating na mid-term elections ay walang ibang dapat unahin sa balota kundi si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla.

Ipinanganak sa Sorsogon, Sorsogon; isang true blooded Bicolano si Eddie Garcia. Kaya asahan nating na malaking tulong ito sa kandidatura ni Revilla lalo’t isa sa pinakamaraming botante sa bansa ay mula sa Bicol Region. Labas pa riyan ang botong makukuha mula rin sa milyun-milyong fans ni Manoy.

Pagtapak ni Eddie Garcia sa stage, hindi na magkamayaw ang hiyaw, sigaw, tili at palakpakan ng mahigit 5,000 tao sa provincial capitol.

Sa dami ng napupuntahan nating campaign sortie, nakasasawa ang paulit-ulit na pangako ng ilang pulitiko. Pero kapag si Senador Bong na talaga ang nasa entablado, ibang klase ang ipinapakitang suporta ng mga botante.

Nakatatanggal umay ‘ika nga kasi talagang ‘crowd drawer’ si Idol Bong.

Ang catch dito, may Eddie Garcia na sa stage, may Senador Revilla pa at lalong nakadagdag buhay sa ‘audience’ ang pagdating din ni presidential son Baste Duterte.

Isipin n’yo,  may Senador Bong na, may Manoy pa, may Baste pa! 

Kahit ang mga bakla sa kanto, nasisiguro kong halos patiran ng litid sa kakatili.  
At lalong hiyawan ang tao nang tawagin naman si Bacoor, Cavite Mayor Lani Mercado na nagpaunlak ng kanta upang mag-duet sila ng mister sa awiting ‘Ikaw!’ 

Walang duda, magaling na mang-aawit ang magandang ermat ni Vice-Governor Jolo Revilla, pero kering-keri rin ni Senador Bong ang pagkanta.

Ang nakatutuwa, sa bawat kindat at mala-killer smile ng senador na ibinibigay sa mga tao sa sortie, riot ang buong paligid sa hiyawan at sigawan.

Nasabi ko na sa inyo noon pa,  magtanggal lang ng sunglass si Senador Bong ay tilian agad ang lahat ng kababaihan at kabadingan. Lalo na kapag nakikita ang pagmamahalan at pagiging sweet sa isa’t isa nina Bong at Lani na larawan ng mag-asawang tunay na nagsasama sa hirap at ginhawa.

Sa puntong ito, muli kong naisip na sa pagkakakulong ni Senador Bong ng apat na taon at apat na buwan ay lalong naging sabik sa kanya ang taumbayan.

Higit pa lalo silang nasabik dahil napatunayang walang sala si Revilla dahil sa ipinalabas na desisyon ng Sandiganbayan kung saan ay abswelto sa kaso ang senador.

Kay Manoy Eddie Garcia, good to see you po ulit sa tunay at original na ‘petmalu’ at ‘lodi’ ng industriyang Pilipino.

Sigurado ako na kahit balwarte ni Vice-President Leni Robredo ang Bicol province, masisira nang husto ang mga operator sa dilawan dahil tiyak na tiyak ang paghakot ng malaking boto ni Revilla sa buong Bicolandia.

Si Revilla ay inendorso mismo ni Manoy nang walang halong bayad o talent fee!