‘Ingat’ sa mga ‘nakapaligid’ sa iyo, Comm. Jagger

“MUNTIK” nang “nalusutan” (na naman) ng iligal na droga ang Bureau of Customs (BoC), mga kabayan, matapos “maharang” (na naman ulit) sa Manila International Container Port (MICP) ang isang kargamento ng ‘shabu’ noong Biyernes na may timbang na 276 kilos at umano’y nagkakahalaga ng higit P1.8 bilyon.

Translation? “Kung nagkataon,” mga kabayan, “magpapalit” (na naman) ng customs commissioner, dahil sa isyu ng ‘smuggling’ ng iligal na droga, aguy, aguy, aguy!

Ayon pa rin sa ilang miron, isang ‘lady player’ na “sandamakmak” na ang “sinabitan” na mga kontrobersiya sa pantalan ang “lumutang” na nasa likod nitong ‘Wealth Lotus Empire Corp.,’ ang ‘consignee/importer’ ng nasabing kontrabando, isang detalye na kinumpirma rin sa atin ng ilang kaibigang opisyal sa Aduana.

Kung totoo, nga, eh, “siguro” naman, dito na sa transaksyong ito magtatapos ang kanyang mga “malalansang” araw. Harinawa.

* * *

Sa ganang atin, mga kabayan, hindi na tayo dapat magtaka kung bakit sa kabila ng mga nakaraang insidente ng ‘drug smuggling’ sa pantalan, tila lumalabas na ‘no lesson learned’ ang ating pamahalaan sa problemang ito.

Una nga kasi, dahil sa kapabayaan ng mga nakaraang administrasyon, partikular na ang rehimen ng mga “Dilawan,” ang rehimeng Noynoy Aquino, mistulang napasok na ng mga “galamay” ng sindikato ng iligal na droga ang lahat ng sangay ng ating pamahalaan -- tingnan na lang ‘Narco List’ ni PDU30 kung saan mula sa mga pulis, mga politiko, mga artista at kahit pa sa hanay ng media, ay nakikinabang sa ‘continuing crime’ na ito.

“Pinakamasahol” na ehemplo ng lawak ng impluwensiya ng mga drug syndicate siyempre pa ay itong si ex-department of justice secretary, Leila de Lima, na nakakulong hindi dahil siya ay “kritiko” ni Pang. Duterte bagkus, dahil “siya” ang pinakamataas na “protektor” sa Ehekutibo ng mga ‘drug syndicates.’

Dangan kasi, kung ang DoJ -- na siyang “kagawaran” natin ng katarungan -- ay “nabili” na pala ng mga drug lords, aba’y talagang “matindi” na ang problema natin sa salot na ito, hindi ba, mga kabayan?

Sa panig naman ng mga ahensiya, dalawa sa mga ito ay ‘vulnerable’ sa “kinang” ng ‘drug money’ dahil talagang hindi masolusyunan ang problema nila sa korapsyon -- ang Bureau of Corrections/NBP-Muntinlupa at, ang Bureau of Customs.

Kasama tayo sa naniniwala na hangga’t “malaya” sa kanilang transaksyon ang mga nakakulong na drug lords sa Muntinlupa at sa iba pang mga selda, hindi rin matigigil ang importasyon ng iligal na droga at ang pagkalat nito sa bawat sulok ng bansa.

Na ang mga nakakulong na drug lords sa Muntinlupa ang siya pa ring may “kumpas” sa ‘national trade on illegal drugs’ ay matagal nang alam ng lahat. Kung bakit ganito pa rin ang sitwasyon, eh, “alam na this,” hindi ba, mga kabayan? “Matindi” pa rin ang korapsyon d’yan sa NBP!

Sa panig naman ng BoC, hangga’t patuloy na nagtitiwala si Comm. Jagger sa mga korap na elemento sa Aduana, huwag na siyang magtaka kung “magising” siya isang araw na katulad ng kanyang mga pinalitan sa puwesto -- Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña -- “nalusutan” na rin siya ng tone-toneladang shabu -- sa kabila ng kanyang “mahigpit na pagbabantay.”

At bagaman katulad niya ay naniniwala tayo sa sinseridad at integridad ng mga “ipinapasok” ngayon ni Comm. Jagger sa BoC upang “tulungan” siya eh, paano naman ang mga “dinatnan” nila sa puwesto, aber?

Paano naman ang mga “antigo” sa pantalan na “yakang-yaka” na “paikutin” at “pabilibin” ang ‘Team Jagger’ sa kanilang pekeng malasakit at pagsunod sa kanyang mga utos?

Halimbawa na lang itong ‘lady player’ na umano’y nasa likod nitong Wealth Lotus Empire, mga kabayan.

Tahasan nating sasabihin na “niloloko” si Comm. Jagger ng mga operatiba sa CIIS at ESS, Assesment, etc., etc., kung sinasabi sa kanya ng mga ito “hindi” nila kilala itong ating tinutukoy, samantalang ‘legendary’ sa “haba” ang kanyang listahan ng mga pangalan sa BoC na may regular na “tara” sa kanya, hehehe!

Harinawa ring maisip ni Comm. Jagger na pulos may ‘hidden agenda’ itong mga antigo sa hanay ng BoC na “bumubulong” sa kanya.

At simple lang ito -- ang “pabilisin” ang paglabas ng mga kargamento ng mga players na may “timbre” sa kanila, kahit ano pa ang “laman” ng kanilang mga kargamento, kasama na ang iligal na droga.

Halimbawa: dahil sa “aral” na nakuha sa sumaltong administrasyon ni Comm. Nick Faeldon, pabor tayo sa desisyon noon ni Comm. Sid Lapena na “lusawin” na ang ‘sectioning’ sa ‘Assessment Division’ at ang ‘Greenlane’ maliban sa mga ‘multinational corporations’ at ang “bulto” ng iba pang mga kargamento ay “ituring” na ‘high-risk shipments’ kaya ‘automatic’ na ilalagay sa ‘Redlane’ na dapat dumaan sa X-Ray o kaya naman ay ‘100 percent physical examination.’

Gamit naman ang argumento sa ‘trade facilitation’ “nakumbinsi” si Comm. Jagger na ibalik ang sectioning at kahit ang Greenlane sa kahit mga ordinaryong ‘shipments.’

At siyempre, dahil “bagito” sa puwesto, gusto rin namang ipakita ni Comm. Jagger na “marunong” siyang “makisama” at “makinig” sa mga argumento na sa kanyang tingin ay may “merito.”

‘Yun nga lang, may “nagpayo” kaya kay Comm. Jagger na ang ‘sectioning’ ay isa sa “haligi” ng korapsyon sa Aduana dahil sa ibinunga nitong “bata-bata system” at sabwatan ng mga smugglers at customs examiners at appraisers?

Habang ang maluwag na implementasyon naman ng ‘Selectivity System,’ partikular na ang Greenlane at Yellowlane, ay dahilan kung bakit kahit mga shabu ay mabilis na nakalalabas sa pantalan kahit sa tungki ng ilong ng BoC -- na siyang nangyari sa termino ni Faeldon at Lapeña?

Kung ‘foreboding of worse things to come’ ang nasabat na shabu sa MICP, panahon lang ang makapagsasabi.

At hindi nalalayo ang panahong ito hangga’t patuloy na “nakapaligid” kay Comm. Jagger ang mga “tulisanes” sa bakuran ng customs.

Our parting words, dear readers? Ingat palagi sa kanila, Comm. Jagger!