Itigil na ang 'incognito culture' vs COVID-19

August 07, 2020

SABI  nga, let’s call spade a spade.

Dumating na tayo sa punto na dapat nang ipatupad ang matagal ko nang sinasabing lantaran na ng kartada kung gusto nating malutas ang malaganap na epekto ng COVID virus.

Kailangan nating magsakripisyo pare-pareho kung gusto nating sagipin ang ating bansa sa mas lalo pang malawakan na hawaan at pagsubsob pa ng ating ekonomiya.

Nagkamali na tayo sa ating taktika sa pagtatago ng identity ng mga infected dahil sa pangamba ng diskriminasyon. Idagdag mo pa ang pagsangkalan sa Data Privacy Act para huwag maisapubliko ang sinumang apektado ng virus.

Kapag national health emergency at state of the nation na ang nakataya, nabubura na dapat ang ating karapatang magtago ng ating pagkakakilanlan. Hindi mo na pag-aari ang sarili mo, estado na ang may-ari sa iyo dahil national interest na ang nakataya.

Kaya tayo nanihirapang pigilan ang pagkalat ng virus ay dahil iyong mga nakasalamuha at posibleng nahawaan ng infected ay hindi natin mahanap. At ang mismong mga taong ito na halimbawa nga ay infected ay nakakapagkalat pa ng virus na hindi naman dapat nangyari kung natukoy natin agad.

Isipin nating mabuti, saan ba nanggaling ang halos 6,000 cases nitong magkasunod na araw?

Madali lang sana ito kung halimbawang ihahayag ng task force ang pangalan ng infected at mananawagan sa lahat ng taong nakasalamuha niya na magpunta sa mga ospital o health centers na malapit sa kanila para sa posibilidad ng isolation at medication.

Nitong isang araw, narinig natin si Anak Kalusugan Congressman Mike Defensor na ganito na rin ang gustong mangyari. Katulad ng matagal na nating ipinapanukala sa ating mga nakaraang kolum na ilantad na sa publiko kung sino ang nadapuan ng virus, ganito na rin ang sinasabi ni Defensor.

Ang COVID ay hindi naman AIDS o TB na nakasanayan na nating itago ang biktima dahil sa public stigma. Itong  COVID  ay kakaiba, nilumpo ang ating ekonomiya, sinira ang buong sistema ng ating buhay.

Apektado ang buong mundo at talagang walang makagalaw sa ating lahat dahil sa malaganap na virus kaya dapat lang magkaroon ng recalibration ang gobyerno sa paglaban dito. Tama si Mike, mas madali ang nagiging contact tracing sa parte nila sa kongreso dahil nalaman agad nila kung sino ang tinamaan at kung sinu-sino ang nakasalamuha ng nagka-COVID sa House.

Kung gagawin natin ito as a matter of health at national policy, baka iyon mismo ngang nakasalamuha ng mga nagka-virus ay lumantad na rin agad at iiwasan na nilang makahawa pa.

Dahil nga may mga infected pero asymptomatic, gumagala sila at umuuwi pa sa kanilang pamilya. Wala rin silang alam na posible rin silang makahawa, normal silang nabubuhay na parang hindi infected.

Kung gagawin natin ang sinasabi ni Congressman Mike na ilantad at sabihin na sa publiko ang pangalan at pagkakakilanlan ng mga nagka-covid, magkakaroon tayo ng drastic step para lutasin ang problemang ito na gumambala sa ating normal na buhay sa nakaraang limang buwan.

allanpunglo@gmail.com