Itigil na ang spraying

April 12, 2020

Bakit ginawa ng mga lokal na pamahalaan ang pagi-spray sa mga kalsada ng kanilang nasasakupan?

Sa amin, walang tigil ang spraying sa kalsada. Disenfectant daw.

Tumututol ang isip at kalooban ko! Mali ang ginagawa nilang pagsasaboy ng kemikal sa mga lansangan ng Kamaynilaan!

Amoy kemikal ang hangin pagkaraang mag-spray ng kemikal sa mga semento!

Minsan ay tila marami ang isinaboy nila sa sementong kalsada namin at nangamoy nasusunog na plastic ang aming kapaligiran. Ang sakit sa ulo at dibdib ng amoy! Nagkagulo saglit sa aming kalye.

Ngunit ilan araw lamang ang nakararaan, ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na hindi nakamamatay ng virus ang mga disinfectant.

Sabi rin ng Department of Health (DOH), hindi daw nila inirerekomenda ang spraying ng disinfectant saan man.

Sa simula ng pagsok ng Covid 19, narinig ko sa isang panayam sa isang infectious diseases doctor, natatawa siya dahil daw bakit nagi-spray sa mga kalsada. ‘Yun bang  mga dura ang nililinis dito? Wala umanong kinalaman ito sa Covid 19.

Sumagot ang isip ko na dapat ay hugasan na lang ng mga bumbero ang mga kalsada kung nangangamba ang mga lokal na opisyal sa hawahan kapag natapakan ang mga dumi.

Ngunit sinong magaling ang nagbigay ng ideya sa mga lokal na pinuno na mag-spray?

Masama na ito sa kalusugan, magastos pa!

Kahit nga ang spraying sa mga bahay-bahay laban sa dengue noon ay itinigil na sa abot ng aking nalalaman. Madalas kahit walang paalam ay binubugahan na lang ng usok ang mga kabahayan. Matindi ko itong tinutulan ito noon.

Kemikal ang usok. Kemikal din ang disinfectant! Pinalalala lang ng mga taong ito ang sitwasyon ngayon. Hindi nila nalalabanan ang Covid 19 bagkus ay nagdadagdag pa sila ng panibagong sakit sa baga.

Laging baga ang napipinsala ng mga kemikal. Sinasalakay din ng virus ang mga baga.

Sinong “henyo” ang gumimik na naman? Salapi ng bayan ang ginasta? Sa halip na sa pagkain ng mamamayan ang pinuntahan ng salapi ng bayan napunta ito kanino nga ba?

Bakit hindi nakipag-ugnayan sa DOH ang mga lokal na pamahalaan? Usapin ito ng kalusugan kaya dapat ay sumangguni ang mga “henyo” sa mga eskperto. Sa mga taong  may nalalaman at hindi nagtanong lang kung kani-kaninong negosyante.

Huwag ninyong patayin ang mga Pilipino sa mga bagay na hindi ninyo alam.

Bigas, ulam, gamot, mga pagkain para sa mga Pilipino muna bago ang “negosyong gimik.”

Pagkatapos ng pakikibaka natin sa Covid 19, dapat sa palagay kong maimbestigahan ang gimik na ito na walang pahintulot sa DOH at walang siyensya mula sa WHO. (bangonkalikasan@yahoo.com)