Iwas sa ‘binat’

KAPAG tayo ay may sakit, sinasabi sa atin noon na magpahinga. Huwag matigas ang ulo para iwas sa binat.

May namamatay sa binat, pramis.

Sa Tsina,  Estados Unidos, Britanya, Espanya at Italya—mga bansa na tinadtad ng kaso ng COVID-19—akala ng kanilang mga gobyerno ay pagaling na sila.

Ang dahilan? Pataas kasi ang direksiyon ng bilang ng kanilang mga COVID-19 patients na  gumagaling.

Walang pag-aaral na nagsasabing ang pagtaas ng bilang ng mga gumagaling sa COVID-19 ay hudyat ng kaligtasan. Lalong hindi ito dahilan para alisin ang quarantine at social distancing.

Maraming sabik na bumalik sa nakagawian tulad ng kabuhayan at kalakalan. Naiinip ang  mga mamamayan, industriya maging mga  gobyerno sa buong mundo.

May pinaghuhugutan ito—ang mga mahahalagang bagay tulad ng trabaho, negosyo at ekonomiya, mga bagay na may kinalaman sa seguridad.

Pero may seguridad ba ang hanapbuhay, kalakalan at kinabukasan kung walang  katiyakan sa kalusugan?

Sa kabila ng pagdami ng mga gumagaling sa COVID-19, patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID- 19 at mga namamatay dahil dito.

‘Wag tayong malito sa mga numero. Malinaw pa sa sikat ng araw na nananatiling may karamdaman ang mundo.

Hindi pa ito pagaling. Malayo pa.

**

Kahit mga Pilipino ay sabik na ring lumabas matapos ang mahigit isang buwan na quarantine.

May mga panukalang ibalik sa normal ang takbo ng ating mga buhay dahil sa dumadaming Pilipino na gumaling sa COVID-19.

Buti na lang at maingat ang pamahalaan sa pagharap sa mga hamon ng pandemic.

Sa halip na magpadala sa mga ora-oradang bulong, nakikinig ang liderato sa mga solusyon na pinag-aralan.

Naniniwala ang pamahalaan na may tulog tayo sa binat kapag naging pasaway tayo.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com