Iwasan ang maduming pamumulitika

MARIING kinundena ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang walang-awang pagpatay kay Bgy. Panghulo Kagawad Dante Sih.

Si Sih ay binaril kamakailan at ayon sa Malabon City government, layunin ng mga gumawa ng marahas na krimen ang maghasik ng pagdududa, takot at pangamba sa mga mamamayan at sirain ang imahe ng lungsod ng Malabon.

Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa kapulisan na bigyan ng mabilis na katarungan ang pamilya ng biktima sa pamamagitan ng isang patas na imbestigasyon, at paghuli sa mga may sala nang naaayon sa batas.

Haharap sa hatol ng batas ang sinomang lawless element o grupong gumagamit ng karahasan para takutin ang mga mamamayan ng Malabon, pahayag ng city government.

Nanawagan din ang Malabon sa lahat ng panig na huwag lagyan ng bahid-pulitika ang insidente para lagyan ng pagdududa ang pagsasagawa ng malaya, patas, at tapat na halalan bilang respeto at pakikiramay sa mga namatayan hanggang tuluyang maresolba ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Samantala, nahaharap sa malaking katanungan si Malabon Mayor Lenlen Oreta ukol sa totoong lagay ng iligal na droga sa kanyang lungsod.

Ito ay matapos maglabasan ang mga report na buhay pa pala ang mga operasyon ng illegal drugs sa ilang mga barangay ng lungsod.

Tulad nitong kaso sa Malabon na kailan lang ay idineklara ng Department of the Interior Local Government na ‘drug-free’ na ngunit may mga barangay pa pala ito na sabit sa illegal drugs.

Ayon sa report, kabilang diyan ang Barangay Tinajeros kung saan nabuking ang shabu laboratory ng isang Intsik. Pasok din umano sa Philippine Drug Enforcement Agency ang isang opisyal ng Barangay  Hulong Duhat.

Nitong nakaraang taon ay bistado sa isang buy-bust operation ang tatlong barangay tanod ng Barangay  Longos. Sa nasabing taon din nang ma-raid ang isang drug warehouse sa Bgy. Santulan na konektado sa isang notoryus na sindikato sa Asya na protektor ng droga.

May mga kabataan pa sa Barangay Tugatog na naging viral sa social media dahil minumura nila si Duterte. Nito namang Huwebes ay naaresto ang isang pulis Malabon kasama ang kaniyang ama at tiyahin sa isang drug bust operation sa Quezon City.

Maigi ang mga report na ito dahil napapatunayan kung tama ang mga sinasabi ng mga local government at DILG tungkol sa kampanya sa droga.

Mahirap kasing gumawa ng direksiyon kung hindi reliable ang mga datos na gagamitin sa paggawa ng mga desisyon.

Ang mahalaga ay tuloy ang laban sa ipinagbabawal na gamot dahil kung bibitiw tayo sa giyerang ito ay walang hinaharap na magandang kinabukasan ang ating mga kabataan.

Kailan lang ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahirap palang sugpuin ang iligal na droga pero hindi ito nangangahulugan na hahayaan na lamang ng pamahalaan na kainin nito ang ating lipunan.

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com