Kahit may COVID-19, Jueteng tuloy sa Albay!

KASABAY ng pagdedeklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na isailalim sa ‘modified general community quarantine’ ang buong probinsiya ng Albay, piyesta naman ngayon ang jueteng sa lalawigan gamit ang anyong illegal na small town lottery (STL).

Tama kayo sa nabasa n’yo dahil simula noong Lunes kung saan ay unang ibaba ang MGCQ sa ilang bahagi ng bansa, animo’y mga kabuti na nagsulputan din ang mga kubrador at kabo ng jueteng sa buong lalawigan ng Albay.

Isang alyas Ka James na taga-Lipa City, Batangas ang ‘financier’ ng jueteng at nagkakalat ng lagim ngayon sa buong Albay province. Ang kumandante nito sa bawal na operasyon ay alyas Kapitan Nimo na palaging ipinagmamalaki ang pangalan ni Governor Al Francis Bichara.

Bigyan natin ng ‘benefit of the doubt’ ang kakayahan ng butihing governador para sugpuin ang illegal na STL sa buong lalawigan. Pero sa lawak ng galamay nito, sigurado tayong ‘maaabot’ ni Gov kung sino itong Kapitan Nimo at Ka James na ating tinutukoy. Iyan ay kung desidido siyang linisin sa illegal gambling ang kanyang pinakamamahal na probinsiya, tama ba ako Albay Rep. Edcel Lagman?

Ang buong Region 5 ay nakapagtala ng 63 kaso ng COVID-19 at tatlo katao ang nasawi. Kung hindi aagapan ang pagsugpo sa illegal na pasugalan sa probinsiya, hindi malayong tataas ito na possible pang daigin ang mga COVID-19 cases sa Metro Manila at Cebu City.

Hindi ko alam kung saan humuhugot ng lakas ng loob at tapang ng apog itong sina Ka James at Kapitan Nimo dahil alam na nga nilang ‘lumpo’ ang kanilang kababayan sanhi ng halos tatlong buwang ‘quarantine’ ay sasabayan nila ang operasyon ng illegal na sugal na ang sabi’y peke at hindi totoong may lumalabas na resulta o patama sa jueteng.

Dinaig ng Albay province si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na nakikiusap pa sa IATF upang payagan nang mag-operate ang legal na operasyon ng lotto at STL sa buong bansa.

Pero sa Albay, para nilang sinabi na walang ‘IATF’ sa kanila, dahil kahit may COVID-19, tuloy ang kanilang illegal na hanapbuhay.

Kahit sa Legaspi City na nasa ilalim ng liderato ni Mayor Noel Rosal ay talamak ang jueteng na kahit saan ka lumingon ang lahat ng kolektor, kubrador at mananaya ng jueteng ay wala na ngang suot na ‘face mask,’ hindi pa nila nasusunod ang tamang ‘protocol’ sa ‘social distance.’

Sa puntong ito, gusto kong tanungin si PNP chief Gen. Archi Gamboa kung wala na ba ang ‘direktiba’ nito tungkol sa ‘one strike policy’ laban sa illegal gambling?

Para po ipaalala sana kina PRO5 director Brig. Gen Anthony Alcanesses at Albay Police Provincial director Col. Primitivo Bayongan, Jr., na anumang oras ay puwede silang matanggal sa puwesto sakaling mahulihan sila ng illegal gambling sa kanilang nasasakupan.

Alam kong hindi natutulog ang Counter-Intelligene Task Force sa Camp Crame, maging ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa ilalim ng pamamahala ngayon ni officer-in-charge Director Eric Distor.

Matatandaang June 2019 pa nang suspindihin ang ‘legal operation’ ng STL sa Albay dahil sa hindi pagbabayad ng multi-milyon pisong Presumptive Monthly Retail Receipt (PMRR).

Nasa rekord ito ng PCSO at sa ganito galit si GM Garma.

Sana lang, may gawing positibong tugon dito sina Gen. Gamboa, Gov. Bichara at Mayor Rosal.