Kailan itataas ang suweldo ng mga nurse sa Pilipinas?

MATAGAL nang hinaing ito ng mga pobreng nurse sa bansa!

Tulad din sila ng mga titser na kakarampot ang tinatanggap na sahod. Sila iyong alipin ng pamayanan na kung tawagin ay ‘over worked, under paid!’

Mga guro ang pundasyon ng karunungan ng ating mga anak. Ang mga nurse naman ang tagapangalaga sa tuwing tayo’y naho-hospital o nagkakasakit.

Pareho silang malaking ambag sa lipunan na marapat lamang bigyan ng makatwiran at makatarungang kompensasyon, ayon sa kanilang pinaghirapan at pinagtrabahuan.

Ang masaklap para sa mga nurse, pinagtibay na ang Republic Act No. 9173 o Philippine Nursing Act of 2001 na nagtatakda na dapat ay Salary Grade 15 o katumbas na P30,531  kada buwan ang dapat nilang suweldo sa Pilipinas.

Ngunit sa kasamaang palad, hindi ito nasusunod dahil hanggang ngayon, may mga nurse pa rin sa hospital na ang sahod ay P8,000 o P10,000.

Ang hindi ko alam, bakit walang ginagawa ang pamahalaan para habulin ang mga hospital, clinic at iba pang pagamutan sa malaking ‘panlalamang’ at ‘panlolokong’ ito sa ating mga nurse?

Para ano pa ang batas na iyon? Paasa para masaktan?

Kamakailan, nagsalita sa 45th Annual Convention and Scientific Meeting of the Operation Room Nurses Association of the Philippines (ORNAP) si Senador Richard ‘Dick’ Gordon at kinondena rin ang masamang kalagayan ng ating mga nurse.

“The government promised them SG-15 pero hanggang ngayon, hindi pa rin nakukuha. Mali iyan. Dapat once you pass the exam, it is the duty of the government to give you opportunities. I will lead you to lobby that in the Senate. The noisy wheel gets the oil. Nurses are precious,” ani Gordon.

Mula taong 2012 hanggang 2018, nasa 148,623 nurses mayroon ang Pilipinas.

Bukod sa labis na pagtatrabaho, kapalit ng mababang suweldo, may 400,000 Filipino nurses din ang ini-exploit sa ilang health care institutions.

Hindi lang sila ‘exposed’ sa iba’t ibang uri ng sakit, kundi ‘expose’ din sila sa ilang verbal at physical abuse, bagay na lalong nakapanlulumo at nakabababa sa kanilang dignidad, ani pa ni Gordon.

Sa buong Asya, Pilipinas ang isa sa may pinakamababang suweldo sa mga nurse.

Nakaiinsultong ikumpara ito sa Thailand na ang pasahod ay P28,000; sa Korea at Japan ay P66,000 at aabot naman sa P100,000 hanggang P200,000 ang suweldo ng ilang nurse sa Amerika, Canada at Europe.

Tama nang sabihing sa batas lamang nakasulat ang P30,000 minimum wage sa mga nurse sa Pinas, pero iyon pala, karamihan sa kanila ay halos kasing laki lamang ng suweldo ng ating mga kasambahay.

Dahil sa kaawa-awang sitwasyon, umabot na sa 92,277 nurses ang nagtatrabaho sa labas ng bansa. Ang bilang na ito ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ay noong taong 2012 pa lamang.

Sigurado tayong lomobo kundiman dumoble pa ang nasabing bilang ngayong taong 2019 at lalo pa itong tataas sa mga susunod na taon.

Kada taon ay 20,000 nurse ang umaalis upang magtrabaho sa labas ng bansa at kung ganito kalaki ang bilang ng mga nag-a-abroad, hindi malayong magkaroon tayo ng ‘brain drain’ o mauubos na ang mga magagaling nating nurse sa Pilipinas.

Noong nakaraang Mayo, mangiyak-ngiyak na sinabi ni ‘First Lady’ Honeylet Avancena sa bansang Japan na naiintindihan niya ang kalagayan ng mga OFW sa labas ng bansa.

Mahirap daw aniya ang mag-trabaho sa abroad, lalo’t malayo sa pamilya. Si Madam Honeylet ay nagtrabaho sa America bilang nurse sa loob ng apat na taon.

Hindi lang mga nurse sa abroad kundi lahat ng OFW ay nakaranas ng ganitong uri ng pangungulila. Pero kung ikukumpara naman talaga ang kakarampot nilang kita dito sa Pilipinas, kahit sino sigurong nurse na may opportunity na makapagtrabaho sa abroad ay makikipagsapalaran mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Sa puntong ito, gusto kong susugan ang sinabi ni Senador Gordon na kailangan niyang mangalampag uli sa Kongreso para masigurong mapabuti ang kalagayan ng mga nurse sa Pinas.

Alam nating tulad ni Ma’am Honeylet, malapit din kay Gordon ang mga nurse dahil matagal na itong tagapangulo ng Philippine Red Cross (PRC) na kaagapay nila lagi ang mga doktor at nars sa pagbibigay tulong sa ating mga kababayan.

Saludo tayo sa panawagan ng senador na bukas ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng six- month training para sa mga ‘ambulance nurse’ at kailangan din nila ng mga ‘volunteers’ para sa iba nilang pagresponde sa mga emergencies, sakuna at iba pang nangangailangan.

Para sa mga bagong pasa sa ‘nursing board exam,’ malaking bagay ang ‘experience’ sa PRC. Pero sana po, Mr. Senator, tuluyan nang maipatupad ang batas na nag-aatas na P30,000 ang suweldo ng ating mga nurse.

Dapat nga, suweldo ito hindi lamang sa mga government hospital, kundi pati na rin sa mga pribadong hospital.

Nakapanghihina naman talagang pagmasdan na kung sino pa ang mga nurse na tagapagligtas sa buhay ng ating mga kababayan, ay sila naman ang halos pabayaan ng ating pamahalaan.

Ang mga pobreng nurse sa Pilipinas ay subsob nang husto sa trabaho. At take note, mga ate at kuya, ang overtime sa kanila ay kada-shift o walong oras, 16 na oras at 24-oras na OT.

Hindi sila iyong tipong ordinaryong manggagawa na per oras ang OT dahil kapag ang duty nila ay walong oras, madalas, nasasabak sila sa ‘double shift’ na trabaho!

Sa mga may panukalang ipagbawal muna ang pagpapadala ng nurse sa abroad, magsitigil kayo mga hunghang!

Kung talagang may malasakit kayo sa bansa, atupagin at pag-aksayahan n’yo ng panahon na itaas na o ipatupad nang tuluyan ang batas para sa tamang pasahod sa mga nurse sa Pilipinas!