Kailan maaayos ang naghihingalong internet at phone signals?

August 12, 2020

MABUTI naman at bumilis ang pag-apruba ng mga local government sa mga cell site towers ng mga telcos matapos ang pagbuga ng galit ni Presidente Duterte sa palpak na signal.

Sabi ni DILG Secretary Edu Ano, aabot sa 1,502 applications ng telecom companies ang aprubado na ng mga local executives or 75% ng kanilang mga aplikasyon.

Good news ito, lalo na sa mga taong ilang araw nang pinapahirapan ng from garbled signal, to no signal.

Kapansin-pansin ang signal ko ay napakahirap maabot nitong mga nakaraang araw. Parang gusto ko nang magpalagay ng cell tower sa ulo para kahit saan ako magpunta, makakakontak ako. Ang malungkot nga sa signal, maraming dead spot na hindi ko naman malaman kung bakit dahil nasa Greenhills, San Juan area lang naman ako or Edsa or Scout area sa Quezon City.

Kaya kung mag-apply sa akin ang telco na kabitan ng cell tower ang ulo ko, aprubado kaagad! Average daily drop calls ko ay 7 to 10. At kapag nakontak mo naman, para kang tsubibo na iikot nang iikot para matagpuan ang signal.

Dami talagang problema ng signal natin sa telepono at internet na kailangang magkaroon ng drastic changes ngayong new normal. Hindi ko alam kung bakit mapadaan ka lang sa ilalim ng flyover, mapunta ka lang sa pagitan ng mataas na building or may mga puno, nawawala ang ating mga signals.

Nakakapag-abroad din naman tayo noong wala pang pandemic. Maiinggit ka sa signal ng kanilang internet at phone, lalo na sa Hong Kong, Singapore at Macau. Kung naka-taxi ka at nakadaan sa ilalim ng tunnel crossing Kowloon at Hong Kong side, walang putol ang kausap mo sa phone,  considering na dagat ang ibabaw ng tunnel!

Sa Singapore at Macau, kahit nasa loob ka ng elevator or maipit ka sa mga skyscapers buildings, wala kang problema sa internet at phone signals.

Sa tingin ko, kailangang maging mandatatory sa lahat ng telcos na sa tuwing magtatayo ng limang towers sa urban areas, obligado silang magtayo ng 3 hanggang limang towers sa rural areas.

Sa pamamagitan ng ganitong sistema, magkakaroon na talaga tayo ng nationwide signals dahil iyong mga pinakamalalayong lugar ay magkakaroon na rin ng access, lalo na't wala munang face to face classes.

Sa dami rin ng work from home at online trading, hindi natin kailangan ng dispalinghadong signals.

Parang awa nyo na DICT, NTC and Congress, baka naman puwedeng rebisahin nyo rin ang franchise ng mga telcos para naman maisaayos ang mga naghihingalo nating signals?

Kumusta na ba ang 3rd player ng telcos, Mr. Dennis Uy?

allanpunglo@gmail.com