Kailangan ni Comm. Guerrero ang tulong ng stakeholders

February 09, 2020

TAMA si Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Hindi mawawala ang katiwalian at korapsyon sa Aduana kung hindi tutulong ang mga stakeholder.

“All sorts of policies, laws and regulations would amount to nothing... corruption will not end if not  one among you (stakeholders) would step forward to file a (formal) complaint,” ayon kay  Commissioner Guerrero.

Hinamon ni Guerrero ang mga waterfront stakeholder na tumulong sa kampanya  ng gobyerno laban sa katiwalian at korapsyon.

Pero ang problema ay may mga taga-BoC na kumikita sa pakikipagsab watan sa mga ismagler o player.  

Ang ibang importers at brokers naman ay takot magsumbong  dahil siguradong gagantihan sila ng mga kawatan sa ahensya.

Matatandaan  na isa sa mga marching order ng Pangulong Duterte nang hirangin niya si Jagger bilang BoC chief ay patigilin ang korapsyon at ismagling sa Aduana.

Pero sadyang sagad sa buto ang kawalanghiyaan ng ilang taga-BoC.

Mukhang hindi sila takot kina Guerrero at Depcom Raniel Ramiro.

Walang pakialam ang mga mandurugas sa Aduana kahit sina Guerrero at Ramiro ay mga dating heneral ng Armed Forces of the Philippines.

Walang hene-heneral  sa mga ismagler/player.

Noon ngang nakaraang taon ay naglunsad pa ang BoC-Intelligence Group ni Depcom Ramiro ng “8484” text hotline.  

Naglalayon ang hotline na tumanggap ng impormasyon at tip tungkol sa korapsyon sa Aduana.

Ang siste ay laganap pa rin ang korapsyon sa pantalan.

Dahil sa laki ng kinikita ng mga ismagler  ay ginagawa ang lahat para lumago pa ang kanilang “smuggling business.”

Paanong ‘di lalago ang ismagling, hindi naman madaling magtanggal ng isang empleyado ng BoC na may civil service eligibility.

Kailangang dumaan sa due process ang pagtanggal sa isang permanent employee.

***

Mabuti naman at makakakuha ang Bureau of Customs ng 82 million dollar loan mula sa World Bank.  

Gagamitin ang loan para isulong ang customs modernization project.

Ang gobyerno naman ay magbibigay ng counterpart funding na 15.82 milyong dolyar mula  sa national budget.

Inaasahang  agad na aaprobahan ng World Bank ang nasabing loan.  

Sinabi ng WB na gagamitin ang pautang para  ma-improve ang efficiency ng BoC.

Layon din ng BoC na ibaba ang  trade costs sa bansa.

Sa totoo lang, ang export competitiveness ng bansa ay apektado ng mataas na trade costs sa Piilipinas.

***

Dahil sa takot sa nakamamatay na 2019 novel corona virus ay mababawasan ang gastos ng mga magulang na may mga anak na nag-aaral.

Maraming extra curricular activities ng mga estudyante ang kanselado dahil sa nCoV.

Makakahinga  nga ang mga magulang habang papalapit ang  tinatawag na “graduation season.”

Kung magpapatuloy ang nCoV scare ay baka pati graduation rites ay ipagbawal din, lalo na sa mga pampublikong paaralan.

Mahirap ipagsapalaran ang kalusugan ng mga mag-aaral lalo na’t mabilis ang pagkalat ng virus na ito.  

Mahalaga ang mga field trip, junior-senior prom at iba pang aktibidad.

Pero mas mahalaga naman ang kapakanan ng mga mag-aaral at titser.

Kaya tama lang na wala munang extra curricular activities ng mga bata.

Ang mahalaga ay manatiling ligtas ang ating mga anak.

Hindi ba, Education Secretary Leonor Briones?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag text sa 09214765430/emaul:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buonv pangalan at tirahan. )