Kalinga kontra korona sa QC!

ISA na rin sa aktibong tumutulong ngayon para tulungan ang mga kababayang apektado ng mapamuksang COVID-19 ay ang Rotary International District 3780, partikular na sa Quezon City.

Sa isang kalasag, nabatid na nakipag-ugnayan ang Rotary International District 3780 sa Quezon City government at iba pang private sector group upang makapagpatayo ng ikalawang temporary quarantine facility para sa mga persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM).

Ang private sector group ay pinangungunahan nina Rose Cabrera at Deanna Tardio na kumakatawan sa dalawang support group organizations – ang GKonomics International Inc. at ang Batch 1985 at 1982 ng St. Theresa’s College sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, governor ng Rotary District 3780, isang memorandum of agreement ang sinelyuhan nila sa pagitan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Cabrera at Tardio.

“We are very grateful to Mayor Belmonte and the other officials of Quezon City for agreeing to partner with us,” anang partylist solon.

Ang quarantine facility ay tinatawag na ngayong Kalinga Kontra Korona QC (Hope KKK QC).

Matatagpuan ito sa Quezon City University sa Novaliches kung saan ay ang Korean-Philippine Building ang gagawing quarantine facility. Ang gusali ay may 150-bed at may kumpletong partisyon, medical supplies at equipment na pangangasiwaan ng health department ng siyudad.

“This is our way of helping the city government to prevent the further spread of COVID-19 by separating PUIs and PUMs from the community, especially those with no capacity to strictly observe home quarantine,” ani Herrera.

“By having this quarantine facility, we will also be able to maximize the availability of hospital beds for patients with severe symptoms and patients with comorbidities,” dagdag ng kongresista.

Ayon naman kay Cabrera, naging inspirasyon nila ang “KKK Kalinga Kontra Korona” project ng Alumni Association of Xavier School Inc. sa San Juan City, kung saan pina-convert nila ang bagong gusali ng San Juan City Science High School upang maging 100-bed isolation facility para sa mga PUM at PUI.

“If they can do it in San Juan, we can do it in Quezon City! It’s a classic example of bayanihan and we are very thankful that Congresswoman Herrera played a big role in facilitating everything,” sabi pa ni Cabrera.

“We have decided to partner with the Quezon City government in its endeavour to establish these centers as part of our social responsibility and a manifestation of our commitment to the local government as a continuing partner in the promotion of the general welfare of the people of Quezon City and the public in general,” dagdag naman ng kongresista na isa ring House Deputy Majority Leader.

Nagtayo ang pamahalaang lokal ng Quezon City ng tinatawag na HOPE I, isang alternatibong pasilidad pangmedikal na tutukoy at direktang may ugnayan sa tatlong pagamutan sa lungsod. Ito ay ang  Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at Novaliches District Hospital.

May 49 na isolation rooms ang HOPE 1 upang imonitor, ‘pagalingin,’ palakasin at bigyang pag-asa ang mga PUIs at iba pang COVID-19 patients.

"By working together, we can truly make a difference for our community," sabi naman ni Tardio. Anumang ugnayan sa pagitan ng pribadong sektor at pamahalaang lokal ay sadyang kailangan sa mga ganitong uri ng krisis, dagdag pa nito.

Sa ganang akin, napakalaking tulong ang ganitong uri ng proyekto para sa mga kababayan natin sa Lungsod Quezon.

Alam nating kahit saang lugar ngayon – maunlad na lungsod  man na tulad ng QC– ay nangangailangan ng iba’t ibang tulong mula sa pribadong sektor. Sa laki’t lawak ng responsibilidad ng LGUs upang kalingain hindi lamang sa ayuda ang kanilang mga kababayan, halos sila man ay ‘nahihilo’ na para gampanan ang iba pang tungkulin.

Kapuri-puri ang ginawang inisyatiba ng Rotary Club International District 3780, ang GKonomics International Inc. at ang Batch 1985 at 1982 ng St. Theresa’s College dahil ang ganitong uri ng aksiyon ay lubhang kailangan upang may puntahan ang ilang posibleng pasyente ng COVID-19 – na malaking bagay din para sa kanilang pamilya.

Ang catch dito, sa buti ng kalooban ng namumuno at miyembro ng mga nasabing samahan, gayundin sa lawak ng kanilang koneksiyon ay madali rin silang makakapag-solicit at makalikom ng malaking halaga para naman ipambili ng kakailanganing hospital beds, medical equipment, supplies at medisina.

Tunay ngang hindi lamang mga frontliners ang dapat ding tanghaling bayani sa mga panahong ito, kundi sina Congresswoman Herrera mismo at ang bumubuo ng Rotary Club, ang GKonomics International Inc. at ang Batch ‘82 at ‘85 ng St. Theresa’s College sa QC.

Naniniwala rin tayong marami pang pribadong organisasyon ang kumikilos na rin ngayon, tulad nila!