Kalokohan ang planong pag-privatize sa PhilHealth!

DALAWANG bagay ang pumasok agad sa isip natin nang palutangin ang revolutionary government.

Una, tine-test ng ilang walang magawang indibiduwal kung papatulan ba ng tao ang isinusulong nilang RevGov. Labas pa rito ang haka-haka na posibleng hindi maganda ang kalusugan ng Pangulong Duterte.

Ikalawa naman, maaaring ‘diversionary tactics’ ito upang iligaw ang isa sa malaking isyu na pinag-uusapan ngayon -- maliban sa COVID-19. Ito ay walang iba kundi ang multibillion pisong anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Saka natin himayin ang isyu ng RevGov dahil masalimuot din ang detalye nito. Mas gusto ko munang patulan ngayon ang panukalang i-privatize ang PhilHealth para mawala na raw ang talamak na anomalya sa naturang tanggapan.

Natatandaan ko pa, noong isang taon ay halos ganitong panahon din nang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang iregularidad sa PhilHealth dahil sa mga ‘ghost dialysis patients.’

Sa mga nakalipas na taon, nasilip na rin ang kuwestyonableng gawain sa paniningil sa ‘cataract operation’ sa PhilHealth bukod pa iba't iba pang katiwaliang ibinabato rito.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, apat na beses nang nagpalit ng ulo ng ahensya kaya nga sabi ni Senador Bong Go mukhang hindi ang mga opisyales sa ‘itaas’ ang problema kundi ang mga tao na sa ibaba nito.

Kumbinsido rin ang marami na may mafia sa loob ng ahensya dahil tila wala namang napaparusahan sa kabila ng tambak na alegasyon sa mga opisyal nito.

Marami na rin ang naipanukala upang maresolba ang isyu ng korapsyon sa loob ng ahensya.

Pinakamatinding panukala ang kay Sen. Go na nagsabing bawat opisyal na mahuhuling may katiwalian ay putulan ng daliri hanggang sa maubos ang daliri kung paulit-ulit itong gumagawa ng kalokohan.

Kinontra naman ito ni Senate President Vicente Sotto at sinabing 'inhumane' ang panukala at labag sa Konstitusyon.

May mga nagbigay din ng suhestyon na isapribado na lamang ang PhilHealth para mas maging maayos ang patakbo ng ahensya.

Mariin itong kinontra ni Senador Manny Pacquiao dahil taliwas aniya ito sa layunin ng pagbuo ng Philhealth na magkaloob ng ‘socialized health care’ sa lahat ng mga Filipino partikular sa mahihirap.

Sinabi ni Pacquiao na kung isasapribado ang PhilHealth, mapopokus na ang serbisyo nito sa kikitain ng organisasyon tulad ng ibang insurance company na tiyak na may epekto sa mga miyembro dahil itataas ang premium na babayaran.

Bukod dito, matatakasan ng mga isinasangkot sa katiwalian ang mas mabigat na kaso ng plunder dahil kapag naging pribado ang PhilHealth, estafa o kasong sibil lamang ang maaaring ihain sa buong miyembro ng mafia.

“The best thing is to jail its corrupt officials instead of privatizing PhilHealth,” saad ni Pacquiao.

Taliwas din aniya ang panukala sa probisyon sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Law para sa universal health care coverage sa lahat ng Filipino.

“Itong PhilHealth ay pinapatakbo ng pamahalaan dahil wala itong ibang layunin kundi ang mabigyan ng mura at sapat na kalingang pang-kalusugan ang ating mga mamamayan, kasama na ang ating mga mahihirap na kababayan. Isa itong serbisyo-publiko at hindi  negosyo,” diin ng Pambansang Kamao.

“Sa oras na ginawang pribado ang PhilHealth, tiyak na tataas din ang bayarin ng mga miyembro dahil kailangan na nitong kumita gaya ng ibang mga pribadong heath insurance providers,” dagdag pa nito.

Sadya ngang sistematiko na ang katiwalian sa Philhealth at ang masaklap dito galing ang pondo ng ahensya sa bawat pawis at sakripisyo nating mga manggagawa.

Sa ganang akin, tama ang argumento ni Senador Pacquiao. Ang kailangan sa ahensya ay ang mga taong tunay na may dedikasyon sa serbisyo publiko at matalim ang mata, isipan at pang-amoy sa ginagawang kalokohan ng kanyang mga tauhan.

Ang tingin natin ay mas nararapat ang overhauling sa buong ahensya, mula sa itaas hanggang sa ibaba para matiyak na malinis ang mga nanunungkulan.

Dapat ding may regular na revamp sa bawat regional office upang maiwasan ang familiarity.

Umaasa tayo na ito na ang huling pagkakataon na mag-iimbestiga ang Kongreso hinggil sa iregularidad sa PhilHealth at mareresolba na ang lahat ng problema.

Alang-alang na rin sa naunang ‘campaign slogan’ ng Pangulong Duterte na ‘Change is coming!’ Kapag napakulong ang buong mafia sa PhilHealth, magandang legacy ito sa Pangulo at tunay nang idedeklara ng taumbayan na ‘Change has come!’