Kandidatong may ‘perpetual disqualification,’ pwede pa bang tumakbong governor??

Nakakatawa talaga ang Pilipinas pagdating sa larangan ng pulitika. Talagang ginawa na itong ‘pastime’ ng marami.

Kapag ang isang pulitiko ay di na maaring kumandidato dahil sa limitasyon pagdating sa termino, otomatikong tatakbo ito sa ibang posisyon kahit pa mas mababa sa dati niyang puwesto para lang manatiling may hawak na kapangyarihan.

‘Yung iba naman, parang damit lang na ipinamamana o ipinapasa ang posisyon sa asawa, anak, kapatid o kaanak at pag nakatapos na ng isang termino ang pinagpasahan, babawiin ito at siya na naman ulit ang tatakbo.

Okay lang naman ‘yan dahil sa botante naman nakasalalay kung papayagan nilang makaupo sa puwesto o hindi ang mga kandidato na gumagawa nito.

Pero ibang usapan na pag may nalalabag na batas, gaya na lang ng nangyayari diumano sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Naikuwento ng ilang kaibigan na taga-doon na ang dating matunog na tatakbong kandidato para Governor doon ay si Czarina Umali.

Tapos, noong Nobyembre ng nakaraang taon, napabalita na si dating  Governor at third district Rep. Aurelio Umali na ang tatakbo bilang gobernador at siya na ngang tuluyang nag-file ng certificate of candidacy (CoC) sa Comelec.

Okay pa din naman sana ‘yan kung tutuusin kaso, may desisyon pala na una nang inilabas ng Office of the Ombudsman,  kung saan pinatawan si Aurelio Umali ng ‘perpetual disqualification from reentering government service.’ Ibig sabihin nito, habambuhay na  siyang hindi maaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Matatandaan na noong 2016, si Umali at isang Renato Manantan, dating officer-in-charge sa Department of Agriculture, ay napatunayang  ‘administratively liable’ dahil sa ‘grave misconduct, gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of the service’.

Pinagtibay ng  Office of the Ombudsman ang desisyong ito na nag-ugat sa diumano ay pagpayag ni Aurelio Umali na gamitin ang  P15 million mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), -mas kilala bilang ‘pork barrel fund’-  para sa umano’y kuwestiyonableng pagbili ng  liquid fertilizer at water pump.

Sa desisyon ng Ombudsman, nilabag umano nina Aurelio at Manantan ang Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Law.  Si Manantan ay executive director noon ng Department of Agriculture sa Region 3 samantalang si Umali  ay congressman sa ikatlong distrito ng Nueva Ecija.

Si Aurelio Umali ay inakusahan noon ng pakikipagsabwatan sa Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) para sa release ng kanyag PDAF para sa taong 2015. Nakasaad sa memorandum of agreement sa pagitan ni  Umali at ng MAMFI na isinumite sa DA ang pagpapatupad ng pagbili ng P12 million halaga ng fertilizer at isang water pump na may halagang P3 milyon para sa Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi Inc.  na kalaunan ay napatunayang ‘overpriced.’                                                                                          

Ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration ng akusado noong Agosto 2018 at hinatulan sina Aurelio at Manantan ng pagkatanggal sa serbisyo at pag-alis ng kanilang retirement benefits bukod pa sa pagtanggal ng karapatan nilang muling makapasok sa  government service habambuhay.

Paanong nangyari ngayon na tumatakbo itong si Aurelio Umali kung gayung may desisyon ang Ombudsman na pinagbabawalan na siyang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno? Ano kaya ang nangyari? Talaga bang pinapayagan pa ang ganito? Pano at bakit? Nagtatanong lang po…

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.