‘Kaso’ ni Cong. Leachon anyare; Jun Bernabe, ‘landslide’-- sa Facebook!

SA ating kolum noong Marso 22, 2019, natalakay natin ang “isyu” dito kay Mindoro Rep. Paulino Salvador Leachon (‘Whatever happened to the graft case of Cong. Leachon’).

Kamakailan naman, nakatanggap tayo ng “kalatas” mula dito sa ‘Zero Tolerance Organization’ na isang ‘anti-corruption NGO’ kung saan muling nagtatanong kung ano nga ba ang “itinakbo” ng reklamo laban sa kanya sa Ombudsman na nakaabot naman sa Sandiganbayan.

Kaya ang tanong din natin, anyare na nga ba, hehehe!

Balikan lang natin, mga kabayan, na taong 2013 nang sampahan ng kasong katiwalian sa Ombudsman si Leachon na noon ay mayor ng Calapan City; kasama niya sa reklamo ay si Engr. Benjamin Acedera.

Nag-ugat ang reklamo ni Calapan reporter, Nilo Baculo laban kina Leachon dahil umano sa “maanomalyang” pagpapahintulot ni Leachon na magamit ang mga ‘dump trucks’ ng Calapan pabor sa ilang pribadong grupo.

Pagkaraan ng dalawang taon, noong 2015, sa halip ibasura ang reklamo na siyang gustong mangyari ni Leachon (siyempre), ang desisyon ng Sandiganbayan ay bigyan siya ng ’90-day preventive suspension.’

Masasabi namang ‘for nothing’ ang naging “panalo” ni Baculo sa kanyang reklamo dahil noong 2014, isang taon matapos niyang ireklamo si Leachon, pinaslang siya at ang kanyang kaso ay ‘unsolved’ pa rin hanggang ngayon, nakakalungkot naman, hindi ba, PTFoMS chief, Joel Sy Egco?

“Himutok” din ng Zero Tolerance, hindi nasunod ang utos ng Sandiganbayan dahil kongresista na noon si Leachon at “kakampi” (daw) ni noon ay House Speaker, Sonny Belmonte at kapartido pa nga sa Liberal Party, ahahay!

Ayon naman sa isang miron, “nalusutan” ni Leachon ang nasabing kaso sa Sandiganbayan kaya, ano pa raw nga ba ang “hugot” ng kanyang mga kritiko sa isyung ito, aber?

Bagaman, sinasabi pa rin ng Zero Tolerance na dapat ding “busisiin” ang umano’y ‘unexplained wealth’ ni Leachon kaya, ano pang hinihintay nitong PCIJ, hehehe!

Bilang panimula, lumalabas kasi sa mga dokumento na mula sa higit P4 milyon sa kanyang SALN noong 2004, aba’y “pumelo” ito sa higit P16 milyon nang maging mayor siya ng Calapan noong 2010 at noong 2017, umabot na ito sa higit P64 milyon.

Aber, dahil nga raw kagulat-gulat ang “paglobo” ng kayamanan nitong si Leachon, aba’y sa Rome, Italy, pa mismo muling ginawa ang kasal nila ng kanyang maybahay noon lang nakaraang taon bilang selebrasyon sa kanilang ‘silver wedding anniversary!’

At oops! Dapat din umanong “linawin” ni Leachon ang isyu ng talamak na operasyon ng iligal na droga sa Calapan at mga kalapit na lugar. May “opinyon” ba rito ang PDEA?

Muli, bukas ang pitak na ito sa iyong paliwanag, Cong. Leachon! Abangan!

***

Kahapon ay “bisita” nang National Press Club sa ‘Election Pulse Media Forum’ nito si ex-Parañaque mayor, Florencio ‘Jun’ Bernabe.

At kung ‘accurate’ ang detalye ng kanyang ‘press release,’ dapat nang “mag-alsa balutan” sa city hall si Mayor Edwin Olivarez, sampu ng kanyang mga tauhan!

Ayon kasi sa kanyang pahayag, mga kabayan, aba’y “malinaw” pa sa sikat ng araw na ‘landslide’ ang kanyang magiging panalo laban dito kay Mayor Edwin, ahahay!

Batay kasi sa naging ‘survey’ ng ‘Election Watch PH 2019,’ ‘The Leader I want’ at. ‘Filipino Online Poll,’ ‘no way,’ as in, “malabo” pa sa maruming tubig ng Ilog Pasig na manalo si Edwin sa darating na halalan...

...ngayong Mayo 13, kaya… yeheyy, ayy, huhuhu!

Sa resulta (daw) ng Election Watch, 61 porsiyento ang “boboto” kay Bernabe at 39 porsiyento lang kay Olivarez; 4,000 boto kay Bernabe sa Filipino Online Poll at 2,000 lang kay Olivares; at, 67 porsiyento ang “boboto” kay Bernabe habang 33 porsiyento lang kay Olivares, batay naman (daw) sa Leader I Want.

Sabagay, “maganda” rin naman ang ‘vision’ ni Bernabe para sa Parañaque kung saan “plano” niyang ituloy ang mga ‘reclamation’ sa Manila Bay upang makatulong na maging ‘PH financial capital’ ang lungsod sa ilalim ng kanyang termino.

Kung hindi naman tataas ang kilay ng DENR at ni Pang. Duterte sa balak ni Bernabe na mistulang “ubusin” na ang Manila Bay, hindi pa natin alam, DENR undersecretary Benny Antiporda, hehehe!

Kung kaya ring “ipanalo” ng social media at Facebook si Bernabe dahil ang mga nasabing survey na lahat ay pabor sa kanya ay galing pala sa FB, ‘yan din ang ating dapat abangan, hindi ba, NPC lifetime member, Rudy Andal, hehehe!

Dangan kasi, sakaling mangyari ito, ‘first time’ sa kasaysayan na ang “nagpanalo” sa eleksyon sa isang kandidato ay ang ‘virtual reality,’ hehehe!

Abangan!