‘Kaso’ versus PAGCOR? Wala akong kinalaman, hane?

“MAAGA” pa lang kahapon, “binulabog” na agad tayo ng mga tawag sa telepono ng ilang mga kaibigan natin sa PAGCOR, Mommy Tess Lardizabal.

Eh, ‘ansarap pa naman matulog at gumising ng “tanghali” na dahil nga ang balak natin ay ‘work from home’ muna dahil dito sa COED-19, ehek, COVID-19, di ba, kasamang Nats Taboy?

Kaya ang “resulta,” “napuyat” pa rin ako, Boss Eric Balcos, ahahay!

Ang siste, “nagbabanta” pala si Pang. Carlo Batalla ng Crime and Corruption Watch International (CCWI), na “kakasuhan” ang ilang opisyales ng PAGCOR dahil umano sa “pagsuway” sa direktiba ni PAGCOR chair (at NPC member) Andrea ‘Didi’ Domingo, na “itigil” muna ang operasyon ng mga casino dahil nga dito sa COVID-19.

At sa kanyang ‘FB post,’ “na-tag” pala niya ang inyong lingkod at ang isa pa nating kaibigan, si PACC commissioner, Atty. Manny Luna.

Hindi naman tayo nagtataka kung bakit “kasali” kami ni Atty. Manny sa ‘post’ ni Boss Carlo dahil ‘witness’ siya sa ginawang “pirmahan” ng NPC at PACC hinggil sa magkatulong na kampanya ng media at PACC laban sa katiwalian sa gobyerno noon lang isang buwan.

Sa ganang atin naman, mga kabayan, may “dahilan” ba  o “batayan” para asuntuhin natin ang PAGCOR sa ilalim ni Chair Domingo? Wala, as in, NADA, hane?

Bakit kanyo?

Una na nga kasi, isa sa pinakawasto, pinakatama at pinakamagaling na desisyon ni Pang. Rody, ay ang pagtatalaga kay Domingo bilang bagong bosing ng PAGCOR.

Masasabi kasi na “kahit paano” ay “nasundan” natin ang ‘career’ ni chairman Didi, sapul noong naitalaga siyang BI commissioner (dalawang beses, sa termino ni Pres. Cory, FVR at PGMA) kung saan wala namang nakapagbintang sa kanya na isa siyang “tiwaling” lingkod bayan.

Eh, paano ba siya mababahiran ng katiwalian samantalang sa ‘heyday’ ng tagumpay ng EDSA Uno, isa siya sa mga itinalaga ni Pang. Cory sa itinatag na ‘Presidential Committee on Public Ethics and Accountability?

At mismong si Sen. Miriam Defensor Santiago (sumalangit nawa) ang humikayat kay Domingo na “samahan” siya sa BI nang matalaga naman si Santiago bilang unang ‘lady commissioner’ ng BI. Translation?

Walang naging bahid ng katiwalian si Domingo sa buong panahon niya sa BI—na hanggang ngayon ay kilala pa rin bilang ‘most corrupt agency’ ng gobyerno.

Isa ring magaling na ‘journo’ bilang kolumnista (dito mismo sa People’s Tonight) at ‘television host’ si Chairman Didi at kilala rin bilang isang ‘philanthropist’ kahit sa panahong wala siya sa gobyerno (meron siyang NGO, ang ‘Domingo Foundation’) kaya naman kung integridad ang pag-uusapan, aba’y ano pa bang “maipipintas” sa kanya ni Pang. Rody, aber?

Oops! Binanggit natin ang mga katangian na ito ni Chairman Didi, hindi dahil gusto nating “sumipsip” sa kanya.

Bagkus, para lang ipunto na pagdating d’yan sa PAGCOR— na sangkot sa napakaraming kontrobersiya noong nakaraang rehimen—‘the right man for the job, is a woman,’ wika nga.

Pansinin na sa nakaraang rehimen, aba’y wala pa palang P80 milyon ang nakolektang ‘license fee’ ng PAGCOR (sa termino ni Noynoy “lumobo” ang bilang ng mga POGO) samantalang sa pag-upo ni Chairman Didi, noong 2018, umabot na ito sa higit P7 bilyon mula sa higit P657 milyon noong 2016.

Bukod sa pagbabalik ng kredibilidad at integridad sa operasyon ng PAGCOR, hindi rin ito “kuripot” (ngayon) sa pagbibigay ng tulong sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Aber, sa tingin ba ninyo, mga kabayan, magiging matagumpay ang ‘hosting’ natin ng SEA Games noong nakaraang Nobyembre kung hindi tumulong ang PAGCOR?

Wala ring “problema” ang organisasyon ng mga lehitimong media na lumalapit sa PAGCOR para matiyak ang tagumpay ng kanilang mga proyekto kung saan ‘Exhibit Number One’ ang sandamakmak—at siguradong tulong—ng PAGCOR sa National Press Club.

Aber, paano kaya mapopondohan ng NPC ang tuloy-tuloy nitong ‘physical improvement projects’ kung wala ang “pag-alalay” ng PAGCOR, aber?

Translation? Paano kaya namin matitiyak ang patuloy na ‘structural and physical integrity’ ng NPC building na edad higit 60-taon na ngayon, kung hindi tinutulungan ng PAGCOR ang NPC, tama ba, Usec. Benny Antiporda at Usec. Joel Sy Egco?

At siyempre, ‘andyan din sa PAGCOR ang ating “kapatid” na si Twinkle Valdez at “bosing” Eric Balcos na katulad ni Chairman Didi ay “miyembro” rin ng NPC (honorary and lifetime nga lang si chairperson Domingo, hehehe).

Kumbaga, kung may “isyu” ang katulad nating miyembro ng media, eh, bakit pa natin dadaanin sa ‘social media post,’ hindi ba?

Sa “magkakaibigan” kasi at “magkakapatid,” mas tamang gawin na tahimik na pag-usapan ang ano mang “problema.”

Tama naman, hindi ba, kapatid na Twinkle? “Smile” ka naman ‘dyan at “kalma” lang, hehehe!