Kawalan ng trabaho paghandaan

February 20, 2020

AYON sa mga datos, tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.

Nuong isang taon, 11.8% ang joblessness rate sa Visayas sa buwan ng Setyembre. Pero tumaas ito sa 15.7% nuong nakaraang Disyembre.

Sa Mindanao naman, mula 19.9 percent nuong Setyembre ay tumalon ito sa 20.7 percent pagsapit ng Disyembre 2019.

Tinataya na tataas pa ang numerong ito kapag nagsara ang TV network na ABS-CBN na may mahigit 11,000 empleyado.

Dahil dito, nangangamba ang isang grupo—ang Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada (BK3)—na dadami rin ang mga pamilyang Pilipino na magugutom.

Layunin ng BK3 na tutukan, pakialaman, at punahin ang mga polisiya na nakakaapekto sa pamumuhay ng mga Pilipino tulad ng mga patakaran sa presyo ng bilihin, transportasyon at kuryente.

Apektado ang buhay ng maraming pamilyang Pilipino sa napipintong pagsara ng ABS-CBN, ayon kay BK3 convenor Louie Montemar.

Sinabi ni Montemar na bukod sa usapin ng karapatan sa pamamahayag, nasasaklaw din ang usapin ukol sa kinabukasan ng maraming manggagawang Pilipino at kanilang mga pamilya sa nakikitang pagtiklop ng higanteng kumpanya.

Sa kabila nito, may mga umaasa na sisikatan pa rin ng araw ang ABS-CBN. Naniniwala si Laguna Rep. Sol Aragones na matutuloy ang hearing ng Kongreso para sa renewal ng prangkisa ng TV network lalu pa’t buhay ng isang damakmak na pamilyang Pilipino ang nakasalalay dito.

Positibo rin ang pananaw ni House Deputy Speaker Rose Marie Arenas sa kahahantungan ng Channel 2. Isa si Arenas sa mga nagpanukala na i-renew ang prangkisa ng Channel 2 dahil na rin sa kahalagahan nito sa usapin ng press freedom, hanapbuhay at tiwala ng mga negosyante sa pamamalakad ng pamahalaan.

Samantala, mainam naman na bagsak ang joblessness rate sa Maynila. Mula sa 24.5% noong September ay bumaba ito sa 15% nuong December 2019. Gayun din buong Luzon kung saan lumagpak ang joblessness rate mula 25% noong September sa 17.3% noong December.

Ngunit namimiligro itong tataas kapag tuluyang mabigo ang ABS-CBN na makapag-renew ng franchise at magsara.

Ang tanong, handa ba ang mga kinauukulan sa mga posibilidad na ito? Batid ba nila ang implikasyon nito sa imahe at ekonomiya ng bansa? Paano ang kinabukasan ng pribadong sector na siyang nagbibigay ng hanapbuhay sa mga mamamayan?
Abangan.

**

For comments,please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com