Kaya ba ng Russia na gumawa ng bakuna?

August 24, 2020

KUNG kailan ba tayo makakabalik sa normal na buhay, wala pa sa atin ang  nakakaalam.

Noong walang COVID, sa ospital lang tayo nakakakita ng naka-face mask, kapag may nakita kang naka-face mask, dalawa lang ang iniisip natin, kung hindi ito may sakit, malamang holdaper.

Iyon ang normal nating kaisipan, ganoon ang normal nating nakagawian. Nakaka-miss iyong mga panahong bawal kang pumasok sa bangko na naka-face mask. Dumating pa ang mg panahong bawal pumasok sa mall ang naka-mask at nakasumbrero dahil sa serye ng krimen na ginawa ng Martilyo Gang.

Ngayon, hindi ka na makakapasok sa bank, sa drug store, sa malls, sa supermarket, sa palengke at sa lahat halos ng establisimyento na hindi ka lang naka-mask,dapat may face shield pa.

Nag-iba na ang galaw nating lahat, pumasok na talaga tayo sa abnormal stage ng ating buhay dahil sa virus scare na ito na pumatay na ng milyong tao sa buong mundo.

Hindi lang tao ang pinatay ng COVID, pati ang kabuhayan nating lahat. Maraming bansa na ang dumaranas ng bagsak na ekonomiya. Ramdam na ang kahirapan at kagutuman saan mang panig ng mundo dahil sa kawalan ng economic activity.

Eksakto ang linya ng paborito nating kanta sa simbahan na hindi natin pinapansin. "Walang sino man ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sino man ang namamatay para sa sarili lamang."

Interconnected tayong lahat mula sa hangin, katubigan hanggang kalangitan. Ganoon ang biosystem at ecosystem nating lahat na sa maraming pagkakataon ay binabalewala natin. Isipin nating mabuti, dahil nagkaroon ng travel ban sa halos lahat ng bansa, maraming airline companies na ang nagtanggal ng mga empleyado, maraming airport na ang hindi nagbukas.

Sa tourism industry pa lang, nasaktan na tayong lahat dahil patay ang hospitality business gaya ng hotels, air-BNB, transportation, food and beverages, souvenir shops at ang lahat ng industriyang direktang nakikinabang dito. Ang mismong mga negosyo sa airport, cargo handling and ground staff ay knockout din dahil sa travel ban na ito.

May mga bansa na turismo lamang ang ikinabubuhay dahil wala naman silang manufacturing at wala ring agricultural products. Maraming bansa ang nabubuhay rin sa imported products.

Bumagal na rin ang exchange of trades gamit ang eroplano, land transportation at ang seaports.

Kung suwerte ngang matatawag, ang Pilipinas ay nasa maayos pa ring kondisyon dahil may mga tanim pa tayong gulay, palay, bungang-kahoy, may sarili tayong tubig, mayaman ang ating karagatan sa pagkain kaya kahit paano ay may kabuhayan pa tayo.

Pero hindi rin ito sasapat kalaunan kaya kailangang mabuksan ng lahat ng idustriya. Bakuna lang talaga ang pag-asa nating lahat para makabalik tayo sa normal nating buhay.
Tigilan na natin ang pagbatikos sa bakuna ng Russia dahil hindi natin alam baka isa ito sa sagot sa pagbabalik natin sa normal. Huwag nating maliitin ang Russia na isang first world country category.

Nakalimutan na natin na ang Russia ay kasama sa mga pinakaunang bansa na nakapagpadala ng tao sa labas ng mundo sa pamamagitan ng kanilang Cosmonaut. Nauna pa nga ang Russia na nakapagpadala ng tao sa outer space kaysa sa Amerika kaya huwag nating imenos ang kanilang kapasidad sa paggawa ng bakuna laban sa virus.

April 1961 may tao na ang Russia sa labas ng mundo at makalipas ang isang buwan, May 1961, doon pa lang nakapagpadala ng Astronaut ang Amerika.

Relax lang sa Spuntik V, kaya ng Russia yan.

Tingnan muna natin ang resulta ng paparating  na clinical trials bago tayo bumanat nang wala sa ayos!

Hindi yan tinapay na Sputnik na nabibili natin kahit saang panaderya.

allanpunglo@gmail.com