Koleksiyon ng BoC, apektado ng COVID-19

February 19, 2020

KUNG magtatagal pa ang COVID-19 scare, malamang na malaki ang maging epekto nito sa tax collection natin sa taong ito dahil sa laki ng importasyon natin mula sa China.

Ang balita nga natin, maraming pabrika sa China ang sarado at wala pang produksiyon hanggang ngayon.

Lalong mahihirapan ang Bureau of Customs (BoC) na malagpasan o maabot man lang ang “unrealistic” na 2020 revenue collection target nito.

Talaga namang nakakalula ang P731-bilyong assigned tax take ng ahensiya sa taong ito.

Maliban sa COVID-19, nandiyan pa rin ang ismagling, outright at technical.

Ang masakit pa, baka magkaproblema pati ang ating lokal na ekonomiya.

Huwag natin kalimutan na ang laki ng makokolekta nating buwis at taripa ay depende sa volume at klase ng mga inaangkat nating produkto.

Kung kaunti ang importasyon ay kaunti rin ang papasok na buwis sa kaban ng BoC.

Paano na lang ang mga tinutustusang programa ng gobyerno.

Marami talagang problema sa Aduana.

Kaya naman kayod nang husto si BoC Chief Rey Leonardo Guerrero upang makagawa ng mga paraan para ma-address ang mga isyung ito.

Ang mahalaga ay nandiyan pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte sa kanya.

Suportado din ng mga taga-BoC ang mga programa ni Commissioner Guerrero, maliban na lang sa ilang tulisang opisyal na walang inintindi kundi gumawa ng pera.  

Abangan!

***

Sa Pebrero 23, Linggo, ay makukumpleto na ng Bureau of Customs ang pagpapabalik sa South Korea ng mga basurang galing sa nasabing bansa.

Ang mga basura ay dumating sa Pilipinas dalawang taon na ang nakakaraan.

Nakipag-ugnayan si BoC-Cagayan de Oro district collector John Simon sa mga South Korean environmental official para maibalik sa Seoul ang mga basura

Ang mga shipment ay idineklarang naglalaman ng plastic flakes pero mga non-biodegradable waste pala.

Ayon sa rekord, ang mga basura ay ipinadala sa bansa ng Green Soko. Ang consignee ay Verde Soko ng Pilipinas.  

Ang unang shipment ng basura ay dumating sa Villanueva Port sa Misamis Oriental noong Hulyo 2018.

Ang pangalawang shipment ay dumating sa Mindanao International Container Terminal, isang sub-port ng BoC-Cagayan de Oro district.

Ang importasyon ng basura ay labag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 6969 o “An act to control toxic substances and hazardous and nuclear wastes.”

***

Ayon sa ating miron, may mga lokal na opisyal daw ang lihim na natutuwa dahil sa COVID-19 scare.  

Bawas gastos daw kasi  sa kanila ang pagkansela sa maraming activities dahil sa kinatatakutang virus.

Kanselado daw ang mga pa-liga ng palakasan at walang pista-pista.

Sa totoo lang, bago pa  pumutok ang COVID-19 ay nakatanggap na ng maraming solicitation letter ang mga lokal na opisyal.

Karamihan sa mga sulat ay nanghihingi ng pambili ng uniporme, sapatos, trophy, panggastos sa pista at pa-liga.

Ang iba naman ay nanghihingi ng perang gagastusin sa outing at kung anu-ano pang tulong.

Siyempre, maraming lokal na opisyal ang bigay kaagad ng tulong dahil natatakot na mawalan ng boto pagdating ng eleksyon.

Sa mga barangay, maraming opisyal at kawani ng barangay council ang hanggang tainga ang ngiti.

Hindi na kasi matutuloy na i-donate ang isang buwang suweldo nila para sa village fiesta.

Pero may pista man o wala, ang mahalaga ay huwag kalimutang sundin ang payo ng Department of Health na mag-ingat sa COVID-19.

Siguruhin natin na huwag ng kumalat ang deadly virus.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)