Koleksiyon ng BoC sa produktong petrolyo, tumaas!

February 12, 2020

DAPAT makaisip pa ng ibang epektibong  paraan para lalong lumaki ang nakokolektang buwis at taripa mula sa mga inaangkat na produkto.

Kagaya na lang nitong tinatawag na  “fuel marking program.”

Kahit hindi pa “fully implemented” ang nasabing programa noong nakaraang taon ay nakita na ang epekto nito.

Mula P91 bilyon noong 2018 ay umabot na ng P145 bilyon ang revenue collection mula oil imports noong 2019.

Kumpara noong 2018, lumaki rin ang volume ng oil imports  noong nakaraang taon.

Ayon kay Bureau of Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, ang total na oil imports noong 2019 ay 14.5 bilyong litro.

Noong 2018, ay umabot lang ng 12 bilyon na litro ang inangkat nating produktong petrolyo.

Sinabi ni Maronilla, nakatulong ang fuel marking para  lumaki ang koleksyon ng BoC mula sa oil imports.  

Ayon kay Finance Undersecretary Antonette Tionko ang increase ay nangyari bago pa man naging fully implemented ang fuel marking law.

“Even before it was  fully implemented, I think the fear factor already resulted in better reporting of (oil import) volumes,” dagdag ni Tionko.

Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na maaaring “manifestation” na may mga kumpanya ng langis na hindi “fully compliant” sa mga customs at tax laws bago ipatupad ang fuel marking program.  

Mabibisto ang mga produktong petrolyo na hindi ipinagbabayad ng buwis.

Kung walang marka ang mga itinitindang produkto ay kinukumpiska at kinakasuhan ang mga lumalabag sa programa.

Maganda ang fuel marking program. Epektibo ito laban sa oil smuggling.

Sana may makaisip rin ng paraan para matigil na ang pagpaparating ng iba pang kontrabando.

Ang problema lang ay mauutak din ang mga taga-gobyerno na kasabwat ng mga ismagler.

Tama ba kami, BoC Chief Rey Leonardo Guerrero?    

***

Noong nakaraang linggo ay nagdiwang ng 118th Founding Anniversary ang Bureau of Customs.

Dito  ay inisa-isa ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang sampung priority programs ng ahensya sa 2020.

Kapansin-pansin na ang unang nasa listahan ay ang pagpapatuloy ng pag-fill-up sa mga bakanteng plantilla positions.

Sa taong ito ay magha-hire ng isang libo pang bagong empleyado ng BoC.

Hindi lang ito makakatulong sa employment program ng administrasyong Duterte.

Makakatulong pa ito para gumanda ang serbisyo sa Aduana.

Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit hindi pinunuan ng mga nakaraang BoC chief ang mga bakanteng plantilla positions.

Ito ay sa kabila ng alam nilang kulang na kulang ang mga tauhan ng ahensya.

Mabuti naman at pursigido si Commissioner Guerrero na punuan ang mga bakanteng posisyon.

Ang mahalaga lang ay siguraduhing mahuhusay at matitino ang mga kukuning opisyal at kawani.

Huwag natin kalimutan na maraming gustong pumasok sa BoC dahil akala nila ito’y “gold mine.”

Baka may makapasok na mga bata-bata ng mga politiko na nagbabalak tumakbo sa 2022 elections.

Ingat kang, Sir Jagger!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email.vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )